PANSIT: HINDI LANG PATOK SA BIRTHDAY

PANSIT

SA TUWING may salo-salo o handaan, hindi nawawala ang pansit. Isa nga naman ito sa sinasabing kailangang ihanda kapag may birthday dahil pampahaba ito ng buhay. Kaya naman, sa tuwing may birthday o handaan, hindi ito puwedeng mawala sa lamesa.

Ngunit hindi lamang swak ang pansit na pang handa sa birthday o salo-salo dahil puwedeng-puwede rin itong pang merienda. Hindi rin nakasasawa ang lasa nito dahil sa rami ng klase o paraan ng pagluluto. Nakabubusog din ito. At lalong lumalabas ang linamnam nito kapag may kapares na tinapay.

Maraming klase o paraan ng pagluluto ng pansit na kinaiibigan ng maraming Pinoy. May iba’t ibang panlasa nga naman tayo at dahil diyan, marami ring klase ng bersiyon ang nabubuo o nadidiskubre. At ilan sa mga klase ng pansit o pagluluto nito na kinahihiligan ng mga Filipino ay ang mga su-musunod:

PANCIT PALABOK

PANSIT PALABOKIsa pa sa madalas na ino-order o niluluto ng marami ay ang pancit palabok.

Kakaiba rin ang linamnam na naidudulot nito sa ating panlasa.

Ang main ingredients naman nito ay ang shrimp, shrimp gravy, smoked fish flakes, pork cracklings, at itlog.

PANCIT BIHON

Isa sa kinahihiligan ng marami ang pansit bihon. Isa nga naman ito sa popular na klase ng pansit. Ilan sa mga sangkap nito ay ang noodles, meat, shrimp at gulay gaya ng repolyo at beans. Masarap din itong lagyan ng celery.

Sa lahat ng klase o paraan ng pagluluto ng pansit, isa ito sa madalas kong niluluto. Hindi nga naman ito gugugol ng matagal. Nasa sa iyo rin kung aalatan mo ang timpla nito o hindi.

SOTANGHON GUISADO

Isa pang klase ng pansit na masarap lantakan sa birthday man o merienda ang Sotanghon Guisado. Sotanghon naman ang pinakapangunahing sangkap ng nasabing lutuin.

Ang pagluluto nito ay kagaya lang din sa kung paano lutuin ang pansit bihon o pansit canton. Ang isa namang sekreto para mamukod-tangi ang sarap nito ay ang paglalagay ng maraming bawang habang ­iginigisa o iniluluto.

PANCIT HABHAB

PANSIT HABHABIsa pa sa klase ng pansit na paborito ko ay ang pansit habhab na nag-originate o nagmula sa Quezon. Isa ito sa talagang tinikman ko nang magpunta ako sa Lucban. Hindi nga naman kompleto ang pagtungo mo sa Quezon kung hindi mo matitikman ang kanilang ipinagmamala­king pagkain—at dalawa nga riyan ang pacit habhab at siyempre, ang walang kasinsarap na longganisang Lucban.

Sa sarap ng mga ito, talagang mapapaulit ka.

Ilan lamang ang nabanggit sa itaas sa klase ng pagluluto ng pansit.

PANSIT BIHON RECIPE:

Ang mga sangkap na kakailanganin sa paggawa ng pansit bihon ay ang mga sumusunod:

½ kilo ng bihon (o depende sa dami ng kakain)

¼ kilo ng baboy (panahog)

¼ kilo ng hipon

Repolyo

Petsay baguio

Carrots

Baguio beans

Sayote

Siling pula

(lahat ng gulay ay hiwain sa maliliit, depende rin ang dami nito sa dami ng bihon)

Kinchay

Toyo

Oyster sauce

Asukal

Paminta

Tubig

Mantika

Sibuyas at bawang

Kalamansi

PARAAN NG PAGLULUTO

Napakasimple lang naman ng paggawa ng pansit bihon na kinahihiligan ng marami. Una, dahil matagal maluto ang baboy at mas masarap ito kung medyo crunchy, pakuluan muna ito sa kawali na may kasamang tubig, hintayin itong matuyo saka ito lagyan ng mantika.

Iprito ang baboy hanggang sa pumula, kapag mapula na, ilagay na ang sibuyas at bawang at saka igisa.

Pagkatapos ay ilagay na rin ang hipon at mga gulay tulad ng repolyo, petsay, beans, carrots, sayote, siling pula at kinchay.

Lagyan ito ng oyster sauce at toyo at igisa muli. Kung ito’y nagisa na, lagyan ito ng tubig at pakuluan ang gulay hanggang sa maluto ito.

Ihiwalay ang lahat ng sangkap sa sabaw at saka ilagay ang bihon, kapag naluto na ang bihon, ibalik ang mga sangkap at haluin ito.

I-serve ito na may kasamang kalamansi.

Kaya ano pang hinihintay ninyo, imbes na mag-order, bakit hindi subukang magluto!  CT SARIGUMBA

Comments are closed.