PANSIT: PAMPAHABA NG BUHAY

PANSIT-3

(ni CYRILL QUILO)

PANSIT ang isa sa paboritong pagkain ng mga Pinoy. Ano mang oras ay puwede itong kainin. Puwede ring lutuin kapag naisipan o nagustuhang kumain nito.

Noong unang panahon ay inilalako ito sa kal­ye at ginagawang meryenda ng mga trabahador.

Dinala ito ng mga Intsik. Nagsimula sa salitang Hokkien na ang ibig sabihin ay Pian-e-sit o sa madaling salita, mada­ling lutuin.

Gawa ito sa pinagsamang harina at itlog na minasang mabuti at saka hinimay. Sa Ingles tawag dito ay noodles. Sa Hapones o Niponggo ito ay Ramen. Samantalang sa Europa, tawag ng mga Italyano ay pasta.

Dinala ito ng mga Intsik na kalaunan ay niyakap ng ating mga kababayan. Espesyal itong handa tuwing kaarawan ng isang tao. Hindi mawawala dahil tradisyon na rin ito ng mga Pinoy.

Dahil sa pinaniniwalaan itong pampahaba ng buhay at maging malusog ang pangangatawan, madalas ay hindi ito pinu­putol kahit gaano pa kahaba. Para raw humaba ang buhay at magkaroon ng magandang kalusugan.

Sa mga patay lang siya hindi inihahanda kasi may paniniwala ang mga Pinoy na hindi rin daw mapuputol ang namatay na kaa-nak. Sunod-sunod din daw ang mamamatay.

Talaga nga naman ang mga Pinoy, ang da­ming kasabihan.

IBA’T IBANG URI NG PANSIT

May iba’t ibang uri ng pansit. Nandiyan ang pansit luglog na nagmula sa mga Kapampangan, ito ‘yung medyo mabasa-basang pansit.

Pansit Bihon na paborito ng lahat na may toyo lang at iba’t ibang gulay.

Seaweed pansit ng Tiwi, Albay na mayaman sa calcuim at magnesium.

Spaghetti at Carbo­nara na nagmula sa mga Italyano. Pancit Abra, Pancit Alanganin, Pancit Alahoy na mula sa Norte.

Pansit La Paz Batchoy na nilahukan ng lamanloob na nagmula sa Ilo-ilo.

Pansit Bato ng Bato, Camarines Sur na gawa sa toasted at dried noodles.

Pansit Buko na pang substitute sa pansit. Pansit Cabagan ng Cabagan, Isabela.

Pansit Ilonggo, Pancit Chami ng Lucena, Quezon at ang pansit Choca na super itim dahil tinta na sangkap ng pusit. Pansit Es-tacion ng Tanza, Cavite. Pansit Habhab na sikat sa Lucban, Que­zon dahil sa hindi na kinakailangan gamitan pa ng tinidor kasi sa dahon ng saging lang puwede nang sipsipin at kainin.

Pansit Kilawin ng Rosario Cavite na may lahok na hilaw na papaya at sukang maasim na sinamahan pa ng dinuguan. Mas “da best” ang lasa.

Pansit Kinalad ng Naga City, Camarines Sur. Pansit Lanu ng San Pedro, Laguna, Pansit Lomi ng Batangas na talaga namang patok sa masa dahil kahit saang karinderia roon ay nagsulputan.

Pansit Malabon na sumikat siyempre sa Malabon at sobrang sarap dahil sa malapad o malalaking hibla ng noodles.

Pansit Mami na may itlog sa ibabaw at may sabaw. Pansit Mayaman ng Ginauam, Quezon. Pansit Miki na pang masa dahil sa murang halaga. Mayroon ding Pansit Molo na swak na swak sa malamig na panahon.

Nandiyan din ang Pansit Pula dahil sa nilagyan ng atsuete. Pansit Sotanghon na para kang kumain ng cellophane. Pansit Tuguegarao na may suka at maanghang na sili at Pansit Sinanta na may shells at chicken meat.

Iba’t ibang klaseng luto na galing sa iba’t ibang lugar.

Pagkaing mayaman o mahirap. Handa sa okasyon ng mga mayaman at gayundin ng mga mahihirap.

Basta pansit, pantay lahat ang panlasang Pinoy. Susunggaban lalo na’t bagong luto. Ito ay sadyang nakabubusog at higit sa lahat pampahaba ng buhay. (google photos)

 

 

 

Comments are closed.