ILOILO – KALABOSO ang isang pasahero na nagpahayag ng bomb joke habang nasa Roll on Roll Off (RoRo) Port sa Dumangas.
Sinabi ni PO2 Terrence Sabio, imbestigador ng Dumangas Municipal Police Station, dinakip ng guwardiya ng nasabing pantalan ang pasaherong si Luisito Monares, 46-anyos, welder at residente ng Singcang Airport, Bacolod City, matapos magbiro na may dala siyang bomba.
Inamin naman ni Monares ang bomb joke at idinepensa na wala itong ideya sa Anti-Bomb Joke Law.
Nang dinala naman sa himpilan ng pulisya, nakuha sa posesyon ni Monares ang hinihinalang shabu na nakatago sa kanyang sapatos.
Sa ngayon ay nakatakda na siyang sampahan ng mga kaukulang kaso. PILIPINO Mirror Reportorial Team