PANTAWAN 2 RECLAMATION, PINAIIMBESTIGAHAN SA OMBUDSMAN

DALAWANG  environmental NGOs, ang Kahugpungan Para sa Kinabuhi ug Kinaiyahan (Kinaiyahan) at ang Friends of the Environment in Negros Oriental (FENOr), kasama ang limang coastal community members sa Brgy. Tinago, ang nagsumite ng 44 na pahinang reklamo sa City/Provincial Fiscal nito lamang ika-29 ng Setyembre. Ipinapakiusap nila sa Office of the Ombudsman na imbestigahan ang Pantawan 2 extension reclamation project.

Ang Pantawan 2 extension reclamation project ay sinimulan noon pang unang bahagi ng 2022 (Q1). Ang reclamation site ay may laking 1.9 na ektarya at nakaharap sa coastal community ng Purok Ubos, Brgy. Tinago, Dumaguete City. Maaalalang naglabas ang Philippine Reclamation Authority (PRA) ng isang Cease and Desist order laban sa proyekto dahil wala itong pahintulot ng PRA.

Isang Environmental Compliance Certificate (ECC) naman ang ibinigay para sa Pantawan 2 reclamation project noong ika-18 ng Hunyo 2019. Ngunit sinuspindi ng Environmental Management Bureau (EMB) ang ECC na ito noong Setyembre 2019 dahil wala itong Notice to Proceed. Ang Area Clearance naman na ibinigay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong Disyembre 2019 ay sumasakop lamang sa development site sa Rizal Boulevard, Barangay Poblacion 4, Dumaguete City.

Kaya’t ilegal umano ang Pantawan 2 extension project, ayon sa mga nagsampa ng reklamo. Ang koalisyon na NoTo174Dumaguete ay sumulat sa DENR Region 7 at sa PRA mula pa noong Marso hanggang Setyembre 23, 2023. Sinagot naman sila ng mga ahensyang ito at nagsabing walang natatanggap na “application to reclaim” ang PRA at walang inilabas o inirekomendang ECC ang DENR kaugnay ng naturang proyekto.
(Itutuloy…)