PANTAWAN 2 RECLAMATION, PINAIIMBESTIGAHAN SA OMBUDSMAN

(Pagpapatuloy…)
Nasa 74 na milyong piso ang halaga ng proyektong ito na pinopondohan ng pamahalaang lokal sa pamamagitan ng Appropriation Ordinance No. 41, Series of 2022, na ipinasa ng outgoing Dumaguete City Council noong ika-23 ng Hunyo 2022. Kasama sa ordinansa ang mga sumusunod:

(1) pagpapatuloy ng konstruksyon ng shoreline protection mula Press Club hanggang Barangay Poblacion 1 (40 milyong piso); (2) konstruksyon ng isang Olympic-sized swimming pool (30 milyong piso); at (3) pagpapatuloy ng landscape improvement ng Rizal Boulevard Phase 3 (4 milyong piso).

Ang walang pahintulot na pagpapagawa ng Pantawan 2 ay maaaring magbigay ng patunay ng impunity, at iligal na pag-gasta ng pondo ng gobyerno na lumalabag sa batas at polisiya tungkol sa procurement. Ang mga reklamong isinampa ay nagsasaad ng paglabag sa section 3(e) at 3(g) ng RA 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, na nagsasabing labag sa batas para sa isang opisyal ng pamahalaan na magdulot ng anumang “injury to any party, including the Government, or giving any private party any unwarranted benefits, advantage or preference in the discharge of his official administrative or judicial functions through manifest partiality, evident bad faith or gross inexcusable negligence.”

Hinihingi ng mga nagsampa ng reklamo na panagutin ang mga responsable sa pagsasagawa ng proyektong ito na nakakasira umano sa kalikasan at magpapaalis sa ilang mga komunidad sa paligid nito. Hinihikayat din nila ang City Government na ipatigil ang ilegal na reklamasyon—na tinatawag lamang na shoreline protection. Bagkus, dapat umanong mamuhunan sa mas mura at mas angkop na mga proyektong magpoprotekta sa ating marine ecosystem, magsusulong ng coastal forestry, at sisiguruhin ang pangangalaga sa mga komunidad ng mangingisda.