INILARGA na kanina ang pamamahagi ng Pantawid Pasada Fuel Cards sa mga drayber na pinangunahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at iba pang ahensiya.
Ayon sa LTFRB, target nilang maipamahagi ang 179,000 fuel cards, o government subsidy para ayudahan ang libo-libong driver operators sa epekto ng Train Law sa kanilang inilunsad na nationwide distribution.
Magugunitang pansamantalang nagkaroon ng delay sa pamamahagi nito na pinasimulan na noong Hulyo kaya umaabot lamang sa 1,192 ang naipamahagi na sa National Capital Region (NCR).
Target ng LTFRB na maipamahagi ang lahat ng fuel cards hanggang sa buwan ng Setyembre sa lahat ng driver o operator na may hawak na prangkisa.
Samantala, 22 na ang naiulat sa LTFRB na mga lumabag sa Pantawid Pasada Program.
Ayon kay Nida Quibic, hepe ng information systems management division ng LTFRB, sa halip na gamitin sa pagpapagasolina ang fuel card ay wini-withdraw umano ng drivers o operators ang pera at ginamit sa ibang transaksiyon.
Giit ni Quibic, blacklisted na ang mga lumabag at kanselado na ang kanilang fuel card.
Tinatayang nasa 179,000 lehitimong jeepney franchise holders sa buong bansa ang sakop ng programa na pagkakaloban ng fuel subsidy card na naglalaman ng P5,000 para sa buwan ng Hulyo hanggang Disyembre.
Ang nasbaing halaga ay para lamang sa pagbili ng krudo mula sa mga gasolinahan at ito ay nagsisilbing ayuda ng gobyerno sa mga PUJ drivers and operators sa lumolobong presyo ng mga produktong petrolyo bunsod ng tax reform law.
Nakalagay sa Pantawid Pasada fuel card ang pangalan ng franchise holder, plate number ng PUJ, rehiyon kung saan ito nakarehistro at card number.
Para makuha ang kanilang Pantawid Pasada Card ay kailangang magsumite ang mga recipient ng original valid ID, photocopy ng valid ID, isang ID picture, at proof of franchise ng operator gaya ng Certificate of Public Convenience, o franchise verification. VERLIN RUIZ