BULACAN – BUMUHOS ang magandang balita para sa mga opisyal at miyembro ng Bulacan Federation of Jeepney Operators and Drivers Association (BFJODA) sa ginanap na araw para sa kanila na tinaguriang “Araw ng Lingkod Lansangan” sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito kamakailan.
Inanunsiyo ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 3 Regional Director Ahmed Quizon na kinatawan ni Jesus Sison ang pamamahagi ng Pantawid Pasada fuel cards na may P5,000 subsidyo ng gasolina para sa 6,022 Bulakenyong tsuper at operator sa Setyembre 15 sa LTFRB Regional Office sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga.
“Gusto ko lamang pong ipaunawa sa inyo na iyong Pantawid Pasada fuel cards ay gagamitin lamang natin sa pagbili po ng fuel. Although puwede po natin iyan i-encash pero ‘yun po ay ipinagbabawal. Malalaman po ng bangko kung kayo po ay lumabag sa terms and condition na ‘yun at madi-disqualify po kayo sa second batch na naglalaman ng P20,000,” paglilinaw ni Sison.
Idineklara ni Gobernador Wilhelmino M. Sy-Alvarado na maaari na muling pumasok sa bakuran ng Kapitolyo ang mga jeep, na pansamantalang ipinatigil dati dahil sa isinagawang renobasyon ng mga gusali at estruktura sa loob ng compound.
“Inaasahan po natin ang inyong pagsunod at pagtalima sa ating mga batas trapiko sa loob ng Kapitolyo at maaasahan naman po ninyo ang aming pagsuporta para sa mga programang lalong magpapabuti sa pagsasamahan ng pamahalaan at ng mga hari ng kalsada,” anang gobernador.
Gayundin, ibinalita ni Committee on Transportation Chairman at Bokal Therese Cheryll Ople ang pagpapasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan Transportation and Management Code na naghihintay na lamang ng pirma nina Bise Gob. Daniel Fernando at Alvarado.
“Sa halos dalawang taon po na pagdadaos ng pagdinig at pakikipagtalakayan sa mga JODA, TODA, e-trikes, pedicab, school transport services, van, bus, truck at passenger boats ay naipasa na po ito. Simpleng batas trapiko ay dapat sumunod po tayo. Kung walang disiplina at malasakit ay hindi natin makakamit ang ating mga hangarin para sa ating dakilang lalawigan,” ani Ople.
Bahagi ang Araw ng Lingkod Lansangan ng isang buwang pagdiriwang ng Singkaban Festival 2018 na nakaangkla sa temang “Pamanang Kalinangan ng Nakaraan, Gabay sa Maunlad na Kinabukasan.” A. BORLONGAN
Comments are closed.