PANTAWID PASADA PALAWAKIN, TRICYCLE DRIVERS ISAMA NA RIN – TOLENTINO

FRANCIS TOLENTINO

MARIING nanawagan ang dating MMDA Chair at pambatong senador ng administrasyon na si Francis Tolentino para sa pagpapalawak ng Pantawid Pasada Program (PPP) upang makinabang na rin dito ang mga tricycle driver at operator  nang sa gayon ay matulungan silang ibsan ang epekto ng taas-babang presyo ng gasolina.

Ayon kay Tolentino, matutulungan nang husto ng P5,000 hanggang P10,000  pagtaas sa subsidiyang pantawid pasada ang kabuhayan ng mga tsuper dahil ang kasalukuyang P20,514 kada taon ay kulang pa rin sa gitna ng tumataas na presyo ng bilihin kaakibat ang pagmahal ng gasolina.

Nakatakdang maki­nabang sa nasabing programa na may nakalaang P3.86 bilyon ngayong taon ang tinatayang 180,000 opera-tors at drivers. Inilaan ito upang ibsan ang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN)  Law. Sa pagtaya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nasa 88,209 piraso ng fuel cards na ang naipamahagi mula Hulyo 2018 hanggang Pebrero ngayong taon.

Binigyang-diin ni Tolentino na dapat palawa­kin ang programa sa mga  tricycle driver at operator dahil halos ganoon din ang dami ng mga guma­gamit nito, hindi lamang sa mga lungsod, kundi maging sa mga kanayunan na kadalasang hindi nasasakop sa ruta ng mga dyip.

“Pantay-pantay sana nating ipamahagi ang pakinabang mula sa Pantawid Pasada Program. Gumagamit din ng gasolina ang mga tricycle at ang mga drayber at operator nito ay kasama ring nasasaktan sa bawat pag-angat ng presyo ng produktong langis. Lalo na ngayon dahil sa init na dala ng El Niño, mas kailangan ng mga ordinaryong Filipino ang mga tricycle.”

“Huwag nating hayaang magkadahilan ang ating mga kababayang tumigil-pasada, bigyan natin sila ng pantay na pagkakataon sa insenti­bong dala ng mga programa ng gobyerno sa paraan ng pagpapalawak pa ng pakinabang mula rito para sa sektor ng transpor­tasyon,” paliwanag pa ng senato­riable.

Comments are closed.