NAIS ng isang senador na dagdagan at palawakin pa ang saklaw ng Pantawid Pasada Program para sa mga driver at operator sa gitna ng pagpalo sa 6.7% ng inflation rate o pagtaas sa presyo ng bilihin.
Ayon kay Senador Win Gatchalian, ang pangunahing dahilan ng inflation ay ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na pumalo na sa 80$ kada bariles sa international market.
Dagdag na P1,000 ang hinihirit sa kasalukuyang P5,000 na pantawid pasada na subsidiya ng gobyerno sa mga operator at driver ng pampublikong jeepney.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang 180,000 pampasadang jeepney ang nakikinabang sa programa. Dapat umano itong palawakin para masakop rin maging ang mga tricycle.
Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at gasolina ay apektado hindi lamang ang mga jeepney driver kundi pati ang mga namamasada ng tricycle kaya hiling ng senador ay isama rin ang mga ito sa dapat mabenepisyuhan ng programa. VICKY CERVALES