PANTAY NA CASH INCENTIVES SA NAT’L ATHLETES ISINUSULONG

UPANG matiyak ang pagkakapantay-pantay ng mga lumalahok sa mga pampalakasang kumpetisyon at nagbibigay karangalan sa bansa, ipinanukala ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pag-amyenda sa batas upang gawig patas ang pagkakaloob ng cash incentives sa mga national athlete, may kapansanan man o wala.

“Hindi dapat maging batayan kung may kapansanan ba o wala ang isang atletang lumahok sa international competions at nagbigay karangalan sa bansa sa pagbibigay ng kaukulang incentives,” ani Estrada.

“Nakasaad sa ating mga batas na may parehong mga karapatan ang mga taong may kapansanan tulad ng ibang tao. Kaya nararapat lamang na bigyan sila ng suporta ng ating gobyerno at hindi dapat magkaroon ng pagkakaiba sa pagkilala ng katanyagan ng mga nilalahukan nilang paligsahan,” dagdag pa niya.

Inihain ni Estrada ang Senate Bill No. 1442 para amyendahan ang Section 8 ng RA 10699 o ang “National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act” upang ma-institutionalize ang pantay na cash incentives sa national athletes at mga atletang may kapansanan na kamakailan lamang ay nag-uwi ng mga medalya mula sa international sports competitions.

Sa nasabing panukala, ipinaliwanag ng senador na layon niyang isaayos ang pagkakaiba sa usapin ng financial benefits sa hanay ng national athletes na nagpapamalas ng parehong antas ng determinasyon, pagsusumikap at kahusayan sa larangan ng palakasan.

“Ang ating para-athletes ay karapat-dapat na may parehong cash incentives gaya ng ibang national athletes. Dapat pantay-pantay ang pagtrato ng ating mga batas sa lahat lalo na kung nais nating pag-ibayuhun ang kahusayan sa larangan ng pampalakasan,” giit ni Estrada.

Sa kanyang panukala, ang mga paralympian na umani ng gold, silver at bronze medals sa Summer at Winter Olympics ay dapat makatanggap ng P10 milyon, P5 milyon at P2 milyon na cash incentives.

Kalahati lamang ng nasabing mga halaga ang tinatanggap na cash incentives ng mga paralympian na nag-uuwi ng gold, silver at bronze medals batay sa umiiral na probisyon ng RA 10699.

Iminungkahi rin ni Estrada ang pagbibigay ng P2 milyon sa gold medalists sa Asian Para Games at pagtaas ng kasalukuyang P150,000 incentive sa P300,000 para sa mga magkakamit ng gintong medalya sa ASEAN Para Games.

Hangad din niya na madoble ang cash incentives para sa silver at bronze medalists sa Asian Para Games at ASEAN Para Games mula sa kasalukuyang halaga.

VICKY CERVALES