NASA plenaryo na sa Senado ang panukalang batas na naglalayon na gawing legal ang medikal na paggamit ng marijuana o cannabis matapos itong makakuha ng sapat na pirma mula sa mga senador.
Labintatlong senador ang lumagda sa Committee Report 210 para sa Senate Bill 2573 ni Sen. Robin Padilla o ang “Cannabis Medicalization Act of the Philippines.”
Ang mga senador na pumirma nang walang anumang anotasyon ay sina Padilla, Ronald “Bato” dela Rosa, Sonny Angara, JV Ejercito, Lito Lapid, at Raffy Tulfo.
Samantala, pumirma rin sina Christopher “Bong” Go, Jinggoy Estrada, Mark Villar, Ramon “Bong” Revilla, Jr., Aquilino “Koko” Pimentel III, Joel Villanueva, at Grace Poe ngunit ito ay “with reservation.”
Ayon sa panukala, papayagan ang paggamit ng marijuana para sa medical condition ng isang pasyente.
“The use of cannabis for medical purposes is hereby permitted, as herein provided for in this Act, to treat or alleviate a qualified patient’s debilitating medical condition or symptoms,” ayon sa panukala. LIZA SORIANO