PANUKALA SA PAKIKILAHOK SA PAGBA-BUDGET, IPINASA SA KAMARA

PASADO na sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang batas na magpapahintulot sa paglahok ng publiko sa pagtakalay sa taunang budget ng Kongreso at iba pang tanggapan ng pamahalaan upang maging bukas ito sa paningin ng publiko, pati na ang mga kalahok at kanilang pananagutan.

Sa botong 200 laban sa anim na hindi pumabor at wala isa mang umiwas, inaprobahan ng mga miyembro ng Kamara de Representante sa ikatlong pagbasa ang House Bill No. 7407 na kilala bilang An Act Institutionalizing The Participation of Civil Society Organizations (CSOs) in the Preparation and Authorization Process of the Annual National Budget, Providing Effective Mechanisms Therefor, and for Other Purposes.

Nagpahayag naman ng kagalakan si Rep. Florida “Rida” Robes na siyang may akda ng panukalang batas at sinabing mahalaga ang magiging papel nito sa gagawing pagtalakay sa General Appropriations bill sa Kongreso, pati na sa paghahanda ng badyet ng iba pang tanggapan ng pamahalaan, lalo na’t mabibigyan ng oportunidad ang publiko na impluwensiyahan ang opisyal ng pamahalaan kung paano dapat gugulin at sino ang bibigyan ng kaukulang badyet.

“I am hopeful that the counterpart bill in Senate will get passed soon because it is the aim of the present administration to ensure transparency and accountability in the crafting of the annual budget. This will provide a mechanism to make sure that people’s organizations participate in the process and give them a voice on how public funds should be spent. This is a giant step towards ensuring that the budget we pass in Congress is not only transparent, accountable but also inclusive and responsive to the needs of the people,” pahayag pa ng mambabatas.

Ang Committee on People’s Participation na pinamumunuan ni Robes ang nagsagawa ng pagtakalay at pag-aproba sa panukalang batas bago ito dinala sa plenaryo.

Sa ilalim ng panukalang batas, pagkakalooban ng pagkakataon na mabigyang akreditasyon ang civil society organizations na nagnanais lumahok sa paghahanda ng badyet at pagtalakay rito. Sa oras na mabigyang akreditasyon, may karapatan na silang lumahok sa paghahanda ng badyet ng mga ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang mga korporasyong pag-aari at kontrolado ng pamahalaan at iba pang tanggapang binuo sa ilalim ng Saligang Batas, tulad ng ipinagkaloob na karapatan sa mga NGO ng local development councils.

May karapatan din sila na mabigyan ng abiso sa mga pagdinig at tumanggap ng mga kopya ng mga dokumento, maging ang pagsusumite ng sarili nilang alternatibong panukala o posisyon sa usapin. Pagkakalooban din sila ng karapatang obserbahan ang talakayan sa baydet,maging sa gagawing pagpupulong na isasagawa ng bicameral conference committee.

Bibigyan din sila ng pahintulot na makilahok bilang resource persons sa gagawing pagtalakay sa badyet sa Kongreso. Ang sinumang opisyal ng pamahalaan na magtatangkang pigilan ang alinmang CSO na lumahok sa proseso ay papatawan ng parusang pagkakasuspinde ng mula isa hanggang anim na buwan o pagbabayad ng multang mula P30,000 hanggang P100,000 o parehas na kaparusahan.

79 thoughts on “PANUKALA SA PAKIKILAHOK SA PAGBA-BUDGET, IPINASA SA KAMARA”

Comments are closed.