PANUKALANG BUDGET NG HUDIKATURA PARA SA SUSUNOD NA TAON SUPORTADO NG SENADO

NITONG mga nakaraang linggo, nagsimula na ang ating komite, ang Senate Committee on Finance, sa pagdinig sa 2023 national budget.

Nagsimula na tayong dinggin ang panukalang pondo sa bawat ahensiya ng gobyerno para sa susunod na taon. At sa mga ahensiyang ito, isa ang hudikatura sa ating prayoridad sa Senado.

Tulad ng mga nakaraang taon — mga nakaraang pagdinig sa taunang pambansang pondo, laging suportado ng Mataas na Kapulungan ang judiciary budget. Napakahalaga ng ginagampanang papel ng hudikatura sa ating lipunan at isa sila sa nangangailangan ng pondo para sa mas pinalawak na development.

Para sa DOJ proposed budget na P26.68B, nangako tayong itutulak natin na maaprubahan ang pondong ito dahil alam naman natin kung gaano kalaki ang ginagampanang papel ng kagawaran ng katurangan sa paggulong ng mga kaso.

Sakop ng departamento ang mga tanggapan ng Justice Secretary, Bureau of Immigration, National Bureau of Investigation, Bureau of Corrections, Parole and Probation Administration, Land Registration Authority, Office of the Government Corporate Counsel, Office of the Solicitor General, Presidential Commission on Good Government, Public Attorney’s Office at ang Office for Alternative Dispute Resolution.

Sa naturan pa ring pagdinig ng ating komite, nagpahayag si Supreme Court Administrator Raul Villanueva na sa kabuuang P74.18B pondo na hinihiling nila, P52.72B lamang ang inaprubahan ng DBM na inilagay nito sa panukalang 2023 National Expenditure Program o NEP.

Sabi nga po ni Administrator Villanueva, ‘yung binaklas ng DBM na P21.46B, malaking bagay na makaaapekto sa personnel services o sa salary adjustments ng court personnel. Maaapektuhan din daw, ayon kay G. Villanueva, ang paglikha ng mga bagong posisyon na napakahalaga sana sa iba’t ibang korte sa bansa.

Kung susuriin natin ang pahayag na ito ni SC Administrator Villanueva, mukhang hindi nga maganda sa magiging galaw ng Korte Suprema at ng lower courts sa bansa kapag titipirin at kukuriputin natin sila sa pondo.

Pero sabi nga natin, mula pa naman noong mag-umpisa tayong chairman ng Committee of Finance, ay suportado na natin ang budget proposal ng judiciary dahil alam nating kritikal ang kanilang ginagampanang papel sa bawat Pilipino.

Kung inyo pong matatandaan, noong 2019, nung bagong upo po tayo sa finance committee, dinagdagan natin ng P2.019B ang pondo ng judiciary. Nang sumunod na taon (2020), nagdagdag naman tayo ng P2.5B. Nitong nakalipas na taon, 2021, dinagdagan natin sila ng P1.7B at ngayong taon, may idinagdag tayong P2.044B sa kanilang pondo. Ganito ang suporta natin sa hudikatura dahil kinikilala natin ang kanilang kahalagahan at nakikiisa tayo sa kanilang layunin na mapalakas ang ating justice system. Ito ay paraan din ng ating pagsuporta sa mabilis na paggulong ng hustisya sa bansa.

Sabi nga natin sa pagdinig, kung may sapat na pondo ang ating hudikatura, umasa tayo na magkakaroon ito ng positibong resulta sa ating justice system.