PANUKALANG DEPARTMENT OF OFW KAILANGANG MAISABATAS

FORWARD NOW

NAPAGDEBATEHAN na sa Kongreso ang panukalang pagbuo ng Department of Overseas Filipino Workers (DOFW) kaya inaasahan natin na kaunting pagbusisi na lamang ang kailangan para maisabatas ito.

Hinihimok natin ang ating mga kapwa mambabatas na bigyang prayoridad ang paglikha at paglaan ng pondo sa kagawaran na nararapat para sa OFWs.

Isa tayo sa mahigit 30 kongresista na naghain ng panukalang batas para itatag ang naturang departamento. Mayroon nang bin-uong technical working group upang plantsahin ang mahahalagang probisyon sa nakabimbin  na panukalang batas.

Alam natin na ang pagtatag sa Department of OFW ay prayoridad ng gobyerno kung saan inihayag ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang nagdaang state of the nation address na layuning maprotektahan ang karapatan ng mga Filipinong manggagawa sa ibang bansa.

Kailangan nang magkaroon ng isang ahensiya  sa ilalim ng ehekutibo na tututok sa kapakanan ng mga manggagawang Filipino  na nasa abroad dahil marami pa ring hinaing ang mga OFW pagdating sa suporta ng gobyerno.

Nakikita natin sa kasalukuyan na halos walang maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensiya ng pamahalaan kaya nagkakaroon ng paulit-ulit na proseso sa trabaho na siyang nagdudulot ng kalituhan sa OFWs.

Sa kabila ng pagkakaroon natin ng mga tanggapan na may mandatong protektahan ang mga Filipinong nagtatrabaho abroad, marami pa ring problema at hamon na kinakaharap ang mga OFW at kani-kanilang mga pamilya. Ilan na rito ang illegal recruitment, pag-aabuso ng mga employer, sexual abuse, kulang ang benepisyo at hindi sapat na tulong sa  OFWs.

Kapag naipasa na ang batas na lilikha sa DOFW, bibigyan ito ng kapangyarihan para bumuo ng mga polisiya upang matiyak ang proteksiyon sa OFWs at matugunan ang mga isyung kinakaharap ng mga ito sa ibang bansa.

Ito rin ang magsusulong ng mga aktibidad at programa para sa OFWs at makikipag-ugnayan sa ibang mga bansa para sa maayos na pagtutulungan ng magkabilang panig. Sa laki ng kanilang ambag sa ating ekonomiya, ito ang kailangan ng ating mga kababa-yang OFW. Sulit kung mamumuhunan ang gobyerno sa isang ahensiya gaya ng DOFW.

Comments are closed.