PANUKALANG ILIPAT SA PNP ANG PAMAMAHALA SA PNPA AT NPTI, OK SA KAMARA

pnp-2

LUSOT na sa pinal at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na nag­lilipat sa pamamahala ng Philippine National Police (PNP) ng Philippine National Police Academy (PNPA) at National Police Training Institute (NPTI), na kasalukuyang nasa ilalim ng Philippine Public Safety College (PPSC).

Lahat ng nasa 200 kongresista na dumalo sa kanilang sesyon ang pumabor sa pag-apruba sa House Bill 8628, na iniakda nina 2nd Dist. Pangasinan Rep. Leopoldo Bataoil at 2nd Dist. Antipolo City Rep. Romeo Acop.

Sa ilalim ng nasabing panukalang batas, ipinaamyendahan nito ang Sections 24, 35, 66 at 67 ng Republic Act No. 6975 o ang Department of Interior and Local Government Act of 1990.

Ayon kay Acop, sa pamamagitan nang paglalagay sa kapangyarihan ng PNP ng PNPA at NPTI ay naniniwala silang magka-karoon ng mas mahusay at epektibong police force ang bansa.

Nakasaad sa HB 8628 na ang Chief PNP ang siyang may “administrative and operational supervision and control over the PNPA at NPTI, o dating Philippine National Police Training Center (PNPTC).

Ang PNPA ay pamumunuan ng PNPA Director, na mayroong ranggong Police Director kung saan magkakaroon din ito ng Deputy Director na may ranggong Chief Superintendent.

Bukod dito, kinakailangan ding magkaroon ang PNPA ng Dean of Academy at isang Commandant, na dapat ay kapwa taglay ang ranggong Chief Superintendent.

Dahil sa pagsasailim sa ilalim ng PNP ang PNPA at NPTI, ang PPSC ay magiging premier educational institute para sa training, human resource development at continuing education ng lahat ng tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Fire Protection (BFP).

Subalit hindi pa rin naman tuwirang mawawalan ang PPSC ng papel sa PNP dahil magbibigay pa rin ito ng ilang kinakailangang career courses para sa mga police commissioned officer at maging ng specialized courses sa iba pang PNP personnel.

Samantala, sa ilalim ng nasabing panukalang batas ay lumawak din ang kapangyarihan at responsi-bilidad ng PNP kabilang na ang pagkuha sa National Action Committee on Anti-Hijacking (NACAH) ng Department of Defense (DND), lahat ng kasalukuyang gawain ng Philippine Air Force Security Com-mand (PAFSECOM) at maging ang police functions ng Philippine Coast Guard (PCG).  ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.