ANG panukalang Maharlika Wealth Fund ay magiging paksa ng mahabang debate, ayon kay Senador Christopher “Bong” Go, na binigyang-diin ang kahalagahan ng isang kapani-paniwala, karampatang, at mapagkakatiwalaang pamamahala sakaling maipasa ang panukalang batas.
“Siguro mahabang usapan ‘yan, mahabang debate. Ang importante po dito, ang tanong is ‘who will manage? Sino po ang magdadala?’,” tanong ni Go sa isang ambush interview matapos ang Bicameral Conference Committee meeting sa Manila Golf Club sa Makati City nitong Lunes.
“Dapat mapag-aralan ito ng mabuti. Malaking halaga ‘yan. Importante walang masayang na pondo ng bayan lalo na sa panahon ngayon na hirap na nga ang mga Pilipino,” dagdag ng senador.
Sinabi ni Go na ang pamamahala sa panukalang pondo, na bubuuin ng mga kontribusyon mula sa ilang iba’t ibang institusyong pinansyal, ay dapat pag-aralan nang mabuti upang matiyak na ito ay malaya sa pakikialam sa pulitika.
Idinagdag niya na ang mga kapani-paniwala, may kakayahan at mapagkakatiwalaang mga tagapamahala ay dapat tiyakin na kahit isang sentimo ay hindi masasayang.
“It should be a good manager talaga para walang masasayang na pondo,” dagdag nito.
“‘Di ba ang pondo po ay kukunin mula sa iba’t ibang financial institutions, ngunit ang tanong dito, paano ima-manage ng maayos nang hindi mapupulitika, walang pabor pabor kung saan mapupunta,” ayon pa rito.
Ang House Bill No. 6398, o ang panukalang Maharlika Investments Fund (MIF) Act, ay naglalayong magkaloob para sa pagtatatag ng pondo, na magmumula sa mga institusyong pampinansyal ng gobyerno at pagkatapos ay mamumuhunan sa magkakaibang hanay ng mga pamilihan, sektor, at iba pang instrumento sa pananalapi.
Ang Maharlika Investments Corp., na iminungkahing pangasiwaan ang mga pamumuhunan gamit ang MIF, ay itatatag din sa ilalim ng panukala. Ito ay pamamahalaan ng isang lupon ng mga direktor na binubuo ng siyam na indibidwal na bawat isa ay kakatawan sa isang nag-aambag na GFI.
Inihahambing ng panukala ang Maharlika sa wealth fund ng Singapore, na itinatag upang matiyak ang mahusay na pangangasiwa ng mga dayuhang reserba ng bansa sa pamamagitan ng pagbili ng mga asset. Bilang karagdagan, tinukoy nito ang pondo ng Indonesia na nagbigay-daan sa bansa na mamuhunan ng pera sa lumalaking sektor at sa impraestruktura ng bansa.
Gayunpaman, ang ilang mga sektor ay nagpahayag ng mga alalahanin na ang panukala ay nangangailangan ng karagdagang mga pananggalang.
May mga alalahanin din na ang iminungkahing pondo ay mapupunta sa paraan ng 1Malaysia Development Berhad ng Malaysia, na pinahirapan ng mga alegasyon ng graft. Si Najib Razak, isang dating punong ministro ng Malaysia, ay nahatulan ng paglustay ng bilyon-bilyon mula sa sovereign wealth fund ng bansa noong 2020.
Samantala, binigyang-diin ni Go ang pangangailangan ng mapagkakatiwalaang pamamahala at mga estratehiya para sa pagpapalawak ng pondo upang matiyak na ang mamamayang Pilipino ang makikinabang dito, kung maa-adopt.
“Paano po palaguin itong Maharlika Fund na ito at importante talaga dito who will manage,” dagdag ni Go.
“Dapat credible na tao ang magdadala nito, individual or group. It should be, yung tiwala ng tao, mapagkakatiwalaan dapat ang magdadala nito,” kanyang pagtatapos.