PANUKALANG PAGBUWAG SA ROAD BOARD NG KAMARA, IN-ADOPT NG SENADO

INATASAN ni Senate President Vicente Tito Sotto III si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na makipagpulong kay House Majority Leader Rolando Andaya para ipara­ting ang stand ng Senado na in-adopt na nila ang panukala ng Kamara na buwagin na ang road board.

Napagkasunduan  ito  sa isinagawang all senators caucus kahapon ng umaga ukol sa isyu ng pagbuwag ng road board.

Inamin naman ni Zubiri na nakatakda itong makipagpulong kay Andaya anumang araw upang iparating ang pananaw ng Senado.

Aalamin ni Zubiri kung sasang-ayon ang Kamara sa paninindigan ng Senado  matapos na igiiit kamakailan ng Mababang Kapulungan ang pagbawi sa pagbuwag sa road board.

Paliwanag ni Zubiri na kahit buwag na ang road board ay tuloy pa rin ang pagkolekta ng pamahalaan sa road users tax  na ipapasok sa national treasury o General Appropriations Act.

Sinabi pa ng senador,  kung magkakasundo ang Senado at Kamara sa pagkikipagpulong nito kay Andaya hinggil sa nais ng mga senador ay maaari silang magkaroon ng bicam subalit kapag iginiit ng kampo ni Andaya ang pagtutol sa pagbuwag sa road board ay  malabo na isagawa ang bicam.

Nabatid na aabot sa P12 bilyon ang nakokolek­ta taon-taon sa road users tax at maaring magamit ito sa road projects at maging sa Universal Health Care Law.

Giit naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na hindi na kailangan ang bicam sa isyu ng pagbuwag sa road board dahil in-adopt na ito ng Senado at kailangang maisumite na ito sa Palasyo para maging ganap ng batas ang paglusaw sa naturang ahensiya.

Matatandaan na naungkat ang pagbuwag sa road board matapos na lumabas na ginagawa lamang gatasan ng ilang kongresista ang pondo na nakukuha mula sa road users tax. VICKY CERVALES

Comments are closed.