PANUKALANG PAGLIMITA SA PAGGAMIT NG PLASTIC ISUSULONG

Sen- Koko-Pimentel

PLANO ni Senador Koko Pimentel na bumalangkas ng panukala na maglilimi­ta sa paggamit ng plastic.

Dahil dito, hinikayat ni Pimentel ang publiko na bawasan kung hindi man tuluyang maiwasan ang paggamit ng plastik na banta sa kalikasan lalo na sa karagatan.

Nauunawaan ni Pimentel ang kahalagahan ng paggamit ng plastic pero dapat aniyang mas bigyang pansin ang bigat ng perwisyong dulot nito.

Ang apela nito ng senador ay kasabay ng obserbas­yon ng buong mundo sa katatapos na World Oceans Day.

Tinukoy ni Pimentel ang 2015 Ocean Conservancy report na nagsasabing 8 mil­yong metriko tonelada ng basurang plastik na itinatapon sa karagatan taon-taon ay nagmumula sa mga bansang China, Indonesia, Philippines, Thailand, at Vietnam.

Binanggit din nito, ang pagtaya na pagsapit ng taong 2050 ay mahihigitan na ng mga basurang plastik ang dami ng mga isda sa karagatan na magreresulta sa pagbagsak ng fishing industry.

Kaugnay nito, maghahain din si Senadora Loren Legarda ng panukalang batas na magbabawal sa paggamit ng microplastics sa mga consumer, produkto at iba pang uri ng plastic na nakasisira sa kapaligiran at malaking banta sa karagatan.

Ani Legarda, ang Filipinas ay isa sa may pinakama­yamang marine ecosystems sa mundo suba­lit, isa rin ito sa mga bansang nangunguna sa mga pinagmumulan ng basu­rang plastic na napupunta sa karagatan.

Binigyang diin ng senadora na ang mga bansa tulad ng Estados Unidos, Canada at United Kingdom ay may mga umiiral na batas na tuwirang nagbabawal sa plastic microbeads na kadalasan ay matatagpuan sa mga shampoo, toothpaste at cleanser na napupunta sa mga karagatan at nagiging banta sa mga buhay ng laman dagat.

Kaya’t  ayon kay Legarda, napapanahon na para sa Filipinas na magpatupad na rin ng kaha­lintulad na mga batas na magbabawal sa microplastics at paggamit ng plastic upang makabawas sa mga basurang sumisira sa mga karagatan sa buong mundo.  VICKY CERVALES

Comments are closed.