PANUKALANG PASSENGER BUBBLE INALMAHAN NG TRANSPORT GROUPS

patnubay ng driver

GOOD day, mga kapasada! Kumusta po sa lahat.  Dalangin po ng pitak na ito na malaya tayong nakakikilos sa ating mga  tahanan at nakare-report tayo sa ating mga trabaho at pabalik sa bahay. Ingat po, mga kapasada.  Have a nice day at gaya po ng malimit nating iparating sa inyo, stay safe at God bless po sa lahat. Buong pagkakaisang tinutulan ng mga miyembro ng commuter at transport groups ang panukalang “passenger bubble” kung saan magkakaroon ng mga sasakyan na kailangan ay fully vaccinated lang ang maaaring isakay at mayroon din namang para sa hindi bakunado.

Sa mariing pagtutol ng grupo, inihayag ni Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safe and Protection (LCSP), na ito ay isang malinaw na diskriminasyon at paglabag sa prangkisa  o ang pagtanggi sa patakaran ng pagsasakay ng pasahero.

Sa isang panayam, sinabi ni Inton na bukodsa LCSP, maraming iba pang grupo ang tutol din sa panukala dahil ito ay isang tahasang paglabag o diskriminasyon at hindi naaayon sa franchise policy ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ang mga nagsusulong umano ng passenger bubble ay nagsasabing mas dapat isaalang-alang ang kaligtasan ng mga pasaheto, pero ayon sa LCSP, ang mungkahi ay mahirap ipatupad sa kadahilanang lubhang kulang ang mga nagyayaot na sasakyan para sa kapakanang kaluwagan ng mananakay,  lalo na ngayong tumataas ang kaso ng  COVID-19.

Lubhang ikinabahala ni Inton na bukod sa panukalang bubble sa public transportation ay may umiiral nang diskriminasyon sa public transport. Sinabi pa ni Inton na noong panahon na siya ay board member pa ng LTFRB ay ipinatigil at pinagmumulta ang mga diskriminasyon na ginawa ng mga pasaway na public transport drivers, gayundin ang mga operator ng pampasadang sasakyan. Kasama, aniya, dito ang paglalagay sa public trsansport ng “slim only” at “doble bayad kapag mataba” o kaya ay “ladies only sa harap.” Binigyang-diin ni Inton na bawal ito dahil sa tahasang diskriminasyon laban sa ilang uri ng pasahero dahil sa kasarian; hugis ng katawan ang pinagdidiskitahan sa ganitong gawi.

Gayundin, idinagdag pa ni Inton na diskriminasyon din ang pagbabawal na isakay ang mga senior citizen.

Ayon naman sa ibang public transport driver, mabagal  ang mga ito at malaking espasyo o okupado  ng mga PWD at dahil din sa mga discount sa pamasahe na karaniwang sinasabi ng mga pasaway na drayber kaya ito ay isang paglabag sa karapatan ng mananakay sa mga public ttansportation.

Sa mga nabanggit na kadahilanan, payo ng LCSP na ang katulad na diskriminasyon ay isumbong kaagad sa mga awtoridad at sa mga lokal na pamahalaan na maaaring magpasa ng ordinansalaban sa mga ganitong diskriminasyon o pagtanggi o pamimili ng pasasherong isasakay sa kanilang pamasadang sasakyan.

SA KAPAKANANG PANTRAPIKO: SENYAS NG DRAYBER MAHALAGA

Lubhang mahalaga ang senyas ng drayber para sa kapakanang pangkaligtasan at maiwasan ang anumang ‘di mabuting ibubunga ng senyas, ayon sa pahayag kamakailan ng Land Transportation Office (LTO).

Sinabi ng LTO na ang maling senyas ng drayber ay maaaring magdulot ng kapahamakan o lumikha ng traffic accident na ang karaniwang resulta ay damage to property at reckless imprudence sa bahagi ng drayber.

Ang wastong senyas ay dapat maingat na ginagawa ng mga drayber  sa ilang ipinatutupad ng LTO tulad ng

  1. Huminto.
  2. Magpabagal ng takbo.
  3. Lumiko sa kanan o sa kaliwa.
  4. Umalis sa daan.
  5. Umalis sa pagkaparada.
  6. Lumipat ng lane.

Ang senyas sa kapwa drayber ay ginagawa sa pamamagitan ng ilaw ng sasakyan; ng kamay o braso. Iwasan ang wala sa loob na pag-tataas-labas ng kamay o braso sa labas ng sasakyan sapagkat maaari itong ipalagay na senyas para sa mga sasakyang nasa likuran o kasunod.

SENYAS NG TUMATAWID

Ipinaliwanag ng LTO na kaya may bangketa at takdang tawiran ay upang maihiwalay ang tao sa mga sasakyan. Sa mga sangandaan, ang senyas na “walk o lakad” ay pagkakataon ng mga taong tumatawid sa kabilang panig ng daan.  Sa paghinto, iwan nating bakante ang tawiran. Sa mga daan na walang takdang tawiran, magbigay ng sapat na distansiyang kailangan ng mga tumatawid.

Mag-signal kapag may isang piye pa ang layo sa lugar na hihintuan.  Sa mga highway naman kung saan balak magpalit ng lane, pinakamainam ang mag-signal limang segundo bago gawin ito. Tiyakin na may sapat na daan sa bandang hulihan at unahan ng sasakyan at huwag kaligtaan ang tamang  senyas, paalaala ng LTO.

Maging handa sa mga senyas ng kapwa drayber upang maiwasan ang sudden brake na maaaring bumangga sa sinusundan o ng sumusunod. Sa mga magbibisikleta na may balak lumiko pakanan, ang kanang kamay na diretsong nagtuturo pakanan ang dapat gamitin na senyas.

ANG OVERTAKING (PAGLUSOT)

Paliwanag ng Land Transportation Office na inilalagay ng batas ang responsibilidad sa drayber sa mga gawang paglusot.   Anumang masamang mangyari dahil sa maling paglusot, ayon sa LTO, ay dapat panagutan ng drayber ng sasakyan.

May tatlong bagay ang dapat isaalang-alang ng drayber sa paglusot, ayon sa LTO, tulad ng:

  1. Hindi nakatuwiran ang pagpapabilis ng takbo kung inuunahan. Ipagpatuloy ang dating tulin o bilis o kaya naman ay magpagabal ng takbo.
  2. Magbigay ng daan sa nais mag-overtake. Gumawi sa kanang bahagi ng daan upang may sapat na daang makagawi sa bandang kaliwa ang gustong lumusot.
  3. Ibigay ang nararapat na kortesiya sa kapwa drayber na inaasahang ibibigay rin sa inyo.

LAGING TATANDAAN:  UMIWAS SA AKSIDENTE UPANG BUHAY AY BUMUTI. HAPPY MOTORING!

2 thoughts on “PANUKALANG PASSENGER BUBBLE INALMAHAN NG TRANSPORT GROUPS”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *