APRUBADO na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang panukalang batas na naglalayong gawing institusyonal ang School-Based Mental Health Program.
May botong 22-0-0 ang nasabing panukala.
Ang Senate Bill 2200 o ang iminungkahing Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act ay naglalayong isulong at tiyakin ang kalusugang pangkaisipan ng mga mag-aaral sa mga pampubliko at pribadong institusyong pang-edukasyon.
Sinasaklaw rin ng panukalang batas ang mga out-of-school youth na kinabibilangan ng mga mag-aaral na may mga kapansanan o kondisyon, mga katutubo, mga batang sumasalungat sa batas, mga nag-aaral sa mga sitwasyong pang-emergency, at iba pang mga marginalized na sektor.
Sa ilalim ng SB 2200, inaatasan ang Kagawaran ng Edukasyon na magtatag at magpanatili ng tinatawag na Care Centers sa bawat pampublikong institusyong basic education at tiyakin ang pagtatatag at pagpapanatili ng mga ito sa mga pribadong basic education institution.
Ipinaliwanag ni Senador Sherwin Gatchalian, principal sponsor ng panukalang batas, na ang Care Centers ay dapat magbigay ng skills at impormasyon sa mga mag-aaral para sa pag-iwas, pagkilala, at tamang pagtugon at pagsangguni para sa kanilang sarili ukol sa mental health.
Matatandaang sa panahon ng lockdown ay lumabas sa isang pag-aaral na ang mga bata o estudyante ay nakaranas ng lungkot dahil hindi na nagagawang makisalamuha, takot o pangamba na mahawahan ng sakit, stress sa online classes at anxiety.
LIZA SORIANO