MAY limang panukala si House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda bilang tugon sa sumisirit at tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis bunga ng pag-atake ng Russia sa Ukraine. Nagbabala rin siyang maaaring umabot sa presyong US$130 bawat bariles ng krudo kung magpapatuloy ang gulo.
“Ang kaagad at napakahalagang alalahanin ng Pilipinas ay ‘inflation’ o pagtaas ng mga bilihin, at pagbangon at pagsulong ng ekonomiya na hindi magkakaroon ng kaganapan kung mananatiling mataas ang presyo ng krudo sa pinanggagalingan nito,” paliwanag ni Salceda na kilalang bihasang ekonomista.
Kung mananatili sa US$100 bawat bariles ang presyo ng krudo sa Marso 15, ayon kay Salceda, dapat tawagin na ni Pangulong Duterte ang Kongreso sa isang ‘special session’ upang balangkasin ang mga hakbang gaya ng pagsuspinde sa ‘fuel excise taxes’ sa ilalim ng ‘Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.’ Sa Russia nagmumula ang 12% ng langis at 24% ng suplay ng ‘natural gas’ sa mundo.
“Bagamat’t hindi gaanong mababawasan ang produksiyon at pagbebenta ng mga ito ng Russia, tiyak na mananatiling mataas ang mga presyo nito sa susunod na mga buwan,” babala ni Salceda.
“Ang una at pinaka-makatotohanang tugon dito ay bawasan muna ang ‘fuel excise tax’ sa halagang katumbas ng kikitain sa ‘value added tax (VAT)’ upang mapigilan ang gobyerno sa patuloy na pagkalugi,” paliwanag ni Salceda. Ang panukala niya ay katumbas ng kabawasang P2.06 bawat litro ng gasoline, P2.34 sa diesel, at P2.89 sa gaas.
Pangalawa, dapat buksan na rin agad ng gobyerno ang lahat ng transportasyong pampubliko sa ‘full capacity’ nila. Mapapababa nito ang gastos sa biyahe ng mga taong napipilitang gumamit na pribadong kotse dahil kulang nga ang mga masasakyan, pagkatapos ng pandemya. Makakabawas din ito sa ating ‘fuel consumption.
Pangatlo, dapat mag-isyu agad si Pangulong Duterte ng Executive Order (EO) na mag-uutos sa Department of Energy, Department of Trade and Industry, at Philippine Competition Commission na mahigpit na bantayan at i-monitor ang mga kompanyang pang-enerhiya upang mapigilan ang ‘hoarding’ para manipulahin ang suplay at presyo sa merkado.
“Upang matiyak na walang ‘maintenance issues’ ang lilitaw at lalong magpapalala sa mataas na presyo ng koryente, panukala ko rin na magkaroon ng EO na mag-uutos sa DOE na magsagawa ng regular na inspeksiyon sa mga planta ng koryente. Alalahanin natin na noong Hulyo 2021, pinalala ng ‘maintenance issues’ ang epekto ng mataas na presyo ng langis ang presyo ng koryente,” dagdag niya.
Bilang pang-lima, ipinanukala ni Salceda na gamitin ang P4.5-bilyong contingency fund sa pambansang badyet, ang P3-bilyong ‘Socio-Civic Fund’ ng tanggapan ng Pangulo, at ang nakatalagang P1 billion ‘fuel voucher subsidy’ para sa mga ‘public utility vehicle (PUV) drivers,’ para sa layuning ito, at pagkatiwalaan na rin ang mga LGU na magdeklara ng ‘conditional state of calamity’ sa mga pamayanan nilang apektado ng sobrang taas ng gasolina gaya ng lugar ng mga mangingisda.
Ipinaliwanag ni Salceda na ang pagdeklara ng ‘state of calamity’ batay sa pang-ekonomiyang mga kadahilanan ay kailangan kung hindi na kayang makontrol ang presyo ng langis para magamit ng mga LGU ang kanilang ‘calamity fund’ para sa ‘fuel vouchers’ at iba pang akmang hakbang.
Itinuturing na House resident economist, nagbabala sa Salceda na tiyak na tataas pa ang pandaigdigang presyo ng langis kung magpapatuloy ang kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine at mababarahan pa ang export ng langis ng Russia sa pandaigdigang merkado dahil sa mga ‘sanctions’ ng ibang bansa.
Nitong nakaraang Lunes, ang kabuuang dagdag presyo ngayong 2022 lang ay umabot na sa P10.85 sa diesel, P8.75 sa gasolina at P9.55 sa gaas.