NILALAANAN ng ng P283 milyon ang takdang lilikhaing Virology Institute of the Philippines (VIP), sa panukalang P4.5 trilyon badyet ng pamahalaan na inaprubahan na ni Pangulong Duterte nitong nakaraang linggo.
Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, House Ways and Means Committee chairman at may-akda ng panukalang VIP bill (HB 6793) na inihain niya noong Mayo sa kalagitnaan ng COVID-19 pandemic, ang VIP ay magiging research center sa paghanap ng gamot at iba pang tugon laban sa mga virus.
Sinabi ni Salceda na ‘co-chair’ din ng ‘Defeat COVID-19 Ad Hoc Committee,’ na ang panukalang halaga ay “preliminary” lamang at aalamin pa niya sa Department of Budget and Management (DBM) kung ito ay para lamang sa ‘capital expenses’ o kasama na ang pagbuo ng VIP.
“Tinatayang tatapusin ang pagtatayo ng mga pasilidad nito sa loob ng limang taon. Kung gan’un, kailangang maitatag agad ang VIP upang mapasimulan na rin ang paghanap ng pondo at mga ugnayang pananaliksik nito. Kailangang mapasimulan din agad ang integrasyon nito sa industriya at mga balangkas pangkaularan ng bansa,” sabi niya.
“Nasa research and development ang hinaharap ng ekonomiya ng Filipinas at nakikita natin ang mahalagang papel na gagampanan ng VIP. Halimbawa, sinasabing ang abaka ay mabisang ‘surgical mask filter.’ Ang ‘Virgin coconut oil’ naman ay sinasabing may maselang ‘therapeutic potential’ laban sa mga ‘throat virus’ at ang ‘metals extractive industry’ ay marami rin ang maidadagdag sa mga teknolohiya laban sa sakit,” paliwanag ni Salceda.
“Mahahalagang dahilan ito para maihanda natin ang VIP sa kailangang pagpaplano kahit itinatatag pa lamang ang mga pasilidad nito,” dagdag ng mambabatas na siya ring may-akda at unang nagpanukala sa paglikha ng Center for Disease Control and Prevention (CDC) na isinusulong niya.
Itinalagang prayoridad ni Pangulong Duterte ang HB 6096 sa nakaraang SONA niya.
“Kahit bago pa ang COVID-19, maraming tahimik na epidemya na ang pumapatay sa mga kababayan natin — HIV-AIDS, TB at polio na muling sumingaw. Diyos ko, pati ‘diphtheria’ at ‘cholera’ ay nananalasa na naman sa ilang bahagi ng bansa. Dapat nating tugunan ito,” madiin niyang sinabi.
May laang P51 milyon laan para sa surveillance ng mga respiratory disease sa 2021 badyet. Ayon kay Salceda, itatanong din niya sa DBM kung magkano ang laan para sa mga ‘non-respiratory infection,’ na marami rin ang pinapatay bagama’t hindi itinuturing na krisis ng media. “Halimbawa, matindi pa rin ang TB sa Pilipinas kaya kailangang suriin pa sa TB ang mga Filipino bago makakuha ng visa sa ilang bansa kasama na ang US. ‘Global hotspot’ tayo, nakakahiya dahil dati tayong nangunguna sa paglaban sa TB sa buong mundo, puna ni Salceda.
Kilala bilang isang mabisang ‘health advocate’ na masugid ang ginawang kampanya kaugnay sa ‘sin tax reform,’ reporms sa PhilHealth, at ang panukalang ‘Cheaper Medicines For All’ atbp, umani ng maraming parangal si Salceda sa nakaraan, kasama ang gawad ng Civil Service Commission.
Comments are closed.