INAPRUBAHAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang ‘wage subsidy’ ni House Ways and Means Chairman Joey Sarte Salceda (Albay, 2nd District) para sa mga 5.98 milyong manggagawa, may-ari ng maliliit na negosyo at ‘freelancers’ na kasama sa kategoryang ‘middle income group’ ng lipunan na lubhang apektado rin ng pinahabang enhanced community quarantine (ECQ).
Sa nauna niyang liham sa Pangulo, sinabi ni Salceda na layunin ng panukala niyang ‘Payroll Support for Workers, Entrepreneurs, and Self-employed (PSWES) Program,’ na tulungan din ang ‘middle class’ na hindi kasali sa nauna nang ‘Social Amelioration Program’ (SAP) para sa mahihirap. “Sadyang mahalaga ito dahil layunin ng administrasyon na patibayin ang ‘middle class’ na siyang pangunahing nagsusulong ng masiglang ekonomiya,” paliwanag niya.
Isang kilalang ekonomista, si Salceda ay malimit na kasangguni ng ‘economic team’ ng administrasyon sa pagbalangkas ng mga akmang hakbang para sa pagpapalago at pagsulong ng ekonomiya ng bansa. “Kailangang huwag bumulusok sa kategoryang mahihirap ang mga nasa ‘middle income class’ na. Nasa ika-7 hanggang ika-9 ‘deciles’ sila kaya hindi sila kasali sa naunang aprubado nang SAP. Kailangang magpatu-loy ang mga ‘micro-, small and medium enterprises’ (MSME) at maayudahan din ang mga manggagawa nila na malamang mawalan pa ng trabaho,” dagdag niyang paliwanag.
Sa talaan ng BIR ng maliliit na nagbabayad ng buwis, may mga 4.1 milyong manggagawa sa mga MSME, habang mga 380,000 naman ang may-ari ng maliliit na negosyo. Sa 2018 ‘Global Freelancer Insights Report’ naman, mga 1.5 milyon Pilipino ang bilang ng mga ‘freelancers.’ Sama-sama, mga 5.98 milyon ang kasapi sa sektor na ito. “Ang karaniwang buwanang sahod nila ay mga P9,500. Ang panukala ko ay mga P3,000 buwanang ayudang sahod sa kanila sa loob ng tatlong buwan na aabot sa P53.82 bilyon. Pararaanin ito sa SSS na tutulungan ng BIR at DOLE para sa ‘formal employees.’ Sa mga ‘freelancers’ naman, panukala ko ang isang ‘open-application window’ gaya ng sa ‘Covid Adjust-ment Measures Program’ (CAMP) ng DOLE,” ayon sa kanya.
Sa ilalim ng ‘open-application’ makikita ng ‘freelancers’ kung bakit mahalaga ang pagiging rehistrado nila sa pamahalaan, at ang naitutulong nila sa bayan sa karamiwang panahon. “Kumbaga, aayudahan kita ngayon, para kapag nakaluwag-luwag ka na, makatulong ka rin sa iba. Kailangang palawakin natin ang ‘tax base’ at malaking bahagi ito ng gayong hakbang,” paliwanag niya
Nauna nang inihain sa Kamara ni Salceda ang HB 1527 na itiuturing niyang ‘Magna Carta for the Freelancers.’ Ayon sa kanya mahalaga at kailangan ding proteksiyunan sila ngunit ang ayuda sa kanila ay hindi dapat lumabis sa tulong para sa mahihirap. “Sa tantiya namin aabot ito ng P35 bilyon. Magandang pamumuhunan ito sa kanila at tiyak na magbibigay ng kaagad na suporta sa ekonomiya. Hindi ito mapupunta sa kanila bilang diretsong ayuda gaya ng SAP kundi parang ‘wage subsidy’ sa panahong gaya ngayon upang manatili silang masiglang nakalutang,” dag-dag niyang paliwanag.
Si Salceda ay co-chairman din ng ‘House Stimulus Cluster,’ na naatasang bumalangkas ng isang ‘economic stimulus plan’ para maging gabay na bansa sa pagbangon mula sa Covid-19 pandemic. Isa rin siya sa mga utak sa likod ng SAP.
Comments are closed.