Nakatakdang ilabas ng Commission on Elections (Comelec) ang mga panuntunan para i-regulate ang paggamit ng artificial intelligence (AI) at ipagbawal ang deepfakes sa 2025 midterm elections
Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na layunin ng poll body na mabigyan ng patas na trato ang lahat ng kakandidato sa darating na eleksiyon.
Ang panuntunan sa paggamit ng bagong teknolohiya ay base sa resulta ng mga pagtalakay sa stakeholders’ forum at consultation dialogue na isinagawa ng Comelec sa University of the Philippines noong Hulyo.
Ang hakbang na ito ng Comelec ay kasunod na rin ng babala ng ilang IT expert sa malaking papel ng AI sa panahon ng pangangampanya.
Dahil sa inaasahang paglaganap ng fake news at maling mga impormasyon kaugnay sa halalan, inirekomenda ng Comelec sa en banc na pagbawalan ang mga kandidato sa paggamit ng AI technology at deepfakes sa kanilang pangangampanya.
Ito ang nagbunsod sa komisyon para bumalangkas ng guidelines para sa paggamit ng AI.