NAGLABAS ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng unang labor advisory nito ngayong taon para paalalahanan ang mga employer sa wastong pagbabayad ng sahod para sa karagdagang special (non-working) day sa ika-9 ng Pebrero bilang pagdiriwang sa Chinese New Year sa buong bansa.
Inilabas ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma noong ika-26 ng Enero ang Labor Advisory No. 1, Series of 2024 alinsunod sa Proclamation No. 453 na ipinalathala ng Office of the President noong ika-18 ng Enero.
Batay sa advisory, ipatutupad ang polisiyang “no work, no pay” sa mga empleyadong hindi magtatrabaho sa nasabing araw, maliban lamang kung mayroong paborableng patakaran ang kompanya o collective bargaining agreement na nagbibigay ng sahod sa nasabing special (non-working) day.
Ang mga empleyadong papasok sa trabaho sa ika-9 ng Pebrero ay dapat bayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanilang arawang sahod sa unang walong oras ng trabaho, o arawang sahod x 130%.
Ang empleyado na magtatrabaho ng higit sa walong oras (overtime) ay dapat bayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita sa nasabing araw, o orasang kita ng arawang sahod x 130% x 130% x bilang ng oras na trinabaho.
Sakaling ang empleyado ay magtatrabaho sa ika-9 ng Pebrero at ito rin ay araw ng kanilang pahinga, sila ay dapat bayaran ng karagdagang 50 porsiyento ng kanilang arawang sahod sa unang walong oras ng kanilang trabaho, o arawang sahod x 150%.
Ang empleyadong naka-day off pero magtatrabaho ng overtime sa nasabing araw ay dapat bayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanilang arawang sahod, o orasang kita ng kanilang arawang sahod x 150% x 130% x bilang ng oras na trinabaho.
Ipagdiriwang ang Chinese New Year ngayong taon sa ika-10 ng Pebrero. Ayon sa Malacañang, ang pagdeklara ng ika-9 ng Pebrero bilang non-working day “ay upang bigyan ang ating mga kababayan ng pagkakataon na ganap na maipagdiwang ang Chinese New Year.
Para sa karagdagang katanungan sa pagbabayad ng sahod, pinapayuhan ang publiko na tumawag sa DOLE Hotline 1349, anumang oras o araw. Maaari rin silang tumawag o mag-text sa 0931-066-2573, mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
LIZA SORIANO