PANUNUTOK NG BARIL ITINANGGI NG AFP

MARIING itinanggi kahapon ng Armed Forces of the Philippines ang napaulat na panunutok ng baril ng mga sundalong nakatalaga sa BRP Sierra Madre (LS57) sa mga tauhan naman ng China Coast Guard (CCG) sa Ayungin shoal.

“Our personnel are governed by the Rules of Engagement (ROE) and clearly acted with the highest level of professionalism, restraint, and discipline in the performance of their mission to safeguard our sovereignty and sovereign rights,” tugon ni AFP Public Information Office chief Col. Xerxes Trinidad.

Ito ang binigyang-diin ng hukbong sandatahan kasunod ng paglalabas ng video ng China na nag- aakusa sa mga tauhan ng Philippine Navy na nakabase sa BRP Sierra Madre, ng panunutok umano ng mga baril sa mga tauhan ng China Coast Guard.

Ayon kay Col. Trinidad, hindi tinutukan ng armas kundi nakaalerto lamang or on guard ang mga sundalo mula sa BRP Sierra Madre dahil sa mga provocative presence ng China coast guard malapit sa naturang military station sa lugar.

Nilinaw pa ng opisyal na standard operating procedure ng tropa na agad na magpatupad ng heightened alert at mas mahigpit na magbantay sa tuwing magkakaroon ng mga foreign vessel na lalapit sa BRP Sierra Madre lalo pa at lumalabag din sa safe distance protocol nito.

Binigyang-diin ng AFP ang kanilang commitment sa pagpapanatili ng kapayapaan at istabilidad sa buong rehiyon alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kaugnay nito ay kinondena ng military ang ginawang pang-aagaw ng China Coast Guard sa food supplies na ihahatid dapat sa mga tropang naka-stationed sa BRP Sierra Madre.

Naglabas ng video ang AFP na nagpapakita sa ginawang pang -aagaw ng China Coast Guard at pagtatapon sa dagat ng mga inagaw na food supplies para sa mga sundalong Pinoy. VERLIN RUIZ