MULING umapela si Public Attorney’s Office Chief Atty. Persida Acosta kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-veto ang bahagi ng insertion na isiningit ng ilang senador para sa 2021 General Appropriations Act.
Sa idinaos na press conference, iprinisinta ni Acosta ang mga tauhan ng PAO Forensic Laboratory Division na nanganganib matanggalan ng trabaho dulot ng insertion na isang unconstitutional rider na ginawa ng ilang senador.
Nilinaw rin ni Acosta na hindi sila humihingi ng karagdagang pondo sa PAO taliwas sa ipinakakalat ng kanilang mga kritiko.
Sa kabila nito, kumpiyansa si Acosta na makakarating kay Pangulong Duterte ang kanilang panawagan ngayong nagsalita na sina Presidential Legal Adviser Atty. Salvador Panelo at Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque sa naturang isyu na nagbibigay suporta sa kanilang ahensiya para i-veto ang bahagi ng isiningit sa probisyong tanggalan ng pondo ang PAO Forensic Laboratory Division.
“Muli po kami’y umaapela kay Pangulong Rodrigo na i-veto ang isiningit ng ilang senador na ‘yan, hindi po kami nanghihingi ng dagdag na pondo. Sa hustisya lamang tayo sa tama lang po, may malaking politikong makukulong,” ani Acosta.
Iginiit din ng PAO chief na hindi siya kontra sa anumang mga bakuna na ibinibigay sa ating bansa at sa halip ay sa Dengvaxia vaccine lamang siya kumokontra.
Sana lamang aniya ay ibigay ng Department of Health (DOH) ang mga bakuna nang libre sa taumbayan upang maging pangontra sa ibat ibang sakit gaya ng polio, measles at iba pa. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.