PAO CHIEF UMAPELA KAY DIGONG SA BUDGET NG FORENSIC LAB

Persida Rueda-Acosta

UMAPELA na si Public Attorneys Office (PAO) chief Atty. Persida Rueda-Acosta kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-veto ang bahagi ng isiningit sa 2021 General Appropriations Act ng ilang senador na naglalayong tanggalan ng pondo ang Forensic Laboratory Division ng Public Attorney’s Office (PAO).

Sa ginanap na press conference, sinabi ni Acosta na hindi makatuwiran, unconstitutional at malinaw na pagyurak sa dangal ng mga tauhan ng Forensic Laboratory na mga nasa plantilla position.

“Pinapahina nila ang kalayaan ng PAO at isang pambabastos ang ginagawa ng mga senador na ‘yan kay Pangulong Duterte at sa DBM na nagnanais protektahan at tulungan ang mahihirap nating kababayan na humihingi at lumalapit sa PAO, huwag naman nilang tanggalan ng pag-asa ang mahihirap,” saad ni Acosta.

“May special mandate po ang PAO, independent at autonomous po kami, pagyurak ‘yan sa pangalan ng PAO, dahil lamang sa insertion ite-terminate agad ang mga naka-plantilla o may permanenteng posisyon na wala man lamang hearing,” dagdag pa ni Acosta.

“13 milyong mahihirap na kababayan natin ang natutulungan ng PAO taon-taon, ganyan karami ang natutulungan namin at marami kaming naipapanalong kaso,” tahasang pananalita pa ni Acosta.

Sa panig naman ni Dr. Erwin Erfe, sinabi nito na sobrang pagmamalabis sa kapangyarihan ang ginawa ng ilang senador na nasa likod ng insertion.

Ani Erfe, hindi lamang forensic ang ginagawa ng kanilang mga tauhan kundi nagsasagawa rin sila ng medical mission sa mga kababayan sa tulong ng ilang supporters o donors ng PAO. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.