IPINAHAYAG ng Public Attorney’s Office (PAO) na handa nilang tulungan ang Supreme Court (SC) sa paggawa ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 9999, na tinatawag na “Lapid Law” na kilala bilang “Free Legal Assistance Act of 2010”.
Labintatlong taon mula nang maisabatas, ang Republic Act No. 9999 ay hindi pa maipapatupad dahil sa hindi kumpletong Rules and Regulations nito.
Ang parehong batas ay nagtatadhana na sa loob ng 90 araw mula sa bisa nito, ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ay dapat bumalangkas ng mga kinakailangang regulasyon sa kita para sa wastong pagpapatupad ng bahagi ng buwis gaya ng isinasaad sa batas.
Sa ginanap na press conference nitong Huwebes, sinabi ni PAO Chief Atty. Persida Rueda Acosta na handa silang tumulong sa Committee on Rules ng SC na bumalangkas ng IRR upang maipatupad na ang ‘Lapid Law’.
Ang Republic Act No. 9999 ay inakda ni Senador Manuel Lapid at nilagdaan bilang batas ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Pebrero 23, 2010.
Ayon kay Acosta, ang Section 5 ng RA 9999 ay nagbibigay ng mga insentibo sa mga abogado na nagkakaloob ng aktwal na libreng serbisyong legal, gaya ng tinukoy ng SC, ay dapat magkaroon ng karapatan sa pagbabawas ng allowance mula sa kabuuang kita.
Kaugnay nito, idinagdag ng PAO Chief na sumulat na rin sila kay SC Chief Justice Alexander Gesmundo noong Mayo 5, 2023 na humihiling ng pagpapalabas ng IRR ng RA 9999.
“We believe that such issuance (IRR) is very timely and will significantly address the issue of lack of legal representation due to conflict of interest,” dagdag ng PAO chief.
Kasabay nito, umapela rin ang PAO lawyers na tanggalin ang isang probisyon sa bagong inaprubahang New Code of Professional Responsibility and Accountability o Canon III upang hindi magdulot ng conflict of interest sa mga kaso ng PAO lawyers. BENEDICT ABAYGAR, JR.