HINDI kami anti-vaxxers!
Ito ang mariing pahayag ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Atty. Persida Rueda-Acosta kasunod ng naglalabasang paninira mula sa ilan umanong responsable sa dengvaxia vaccine.
Sa idinaos na press conference, iginiit ni Acosta na mali ang mga paratang ng ilang personalidad na anti-vaxxers ang PAO na naglalayong siraan ang institusyon at mawalan ng kumpiyansa ang taumbayan sa Covid-19 vaccine campaign ng pamahalaan.
Nilinaw nito na suportado ng buong PAO ang bakuna kontra Covid-19 ng gobyerno.
Aniya, naglalabasan ang nasabing mga paninira ng ilang grupo upang ibaling ang sisi sa PAO at magkaroon ng takot ang publiko sa pagpapabakuna laban sa COVID-19.
Nakikita ni Acosta na natatakot ang tao sa bakuna dahil sa nangyari noon na kawalan ng konsultasyon sa mamamayan, karamihan sa mga nasa likod ng pagpapatupad ng bakuna ay may conflict of interest, ginawang exaggerated ang safety ng dengxaxia at huli na ng sinabing delikado ito sa hindi pa nagkakaroon ng dengue, gayundin ang ginawang pagmamadali sa pagpapatupad ng dengvaxia vaccine.
Sinabi ni Acosta na maaari pa ring maibalik ang tiwala ng publiko sa bakuna kung bibigyan ng hustisya ang biktima ng dengvaxia.
Hinamon naman ni Dr. Erwin Erfe, chief ng PAO Forensic Laboratory na ipakita ang safety net o safety protocols para maraming mahikayat na magpabakuna kontra COVID-19.
“Ipakita nila (pharmaceuticals) ang safety profile para pagkatiwalaan ng publiko,” wika pa ni Erfe. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.