PAOCC DUDA SA ‘DEATH THREAT’ NI GUO

DUDA ang mga opisyal ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na may natatanggap ng death threats si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ayon kay PAOCC spokesperson Dr. Winston Casio, mahusay ang dating alkalde gayundin ang buong pamilya nito sa kasinungalingan kaya’t hindi dapat paniwalaan ang anomang lumalabas sa bibig ng mga ito hangga’t walang kaakibat na ebidensya.

Sa panig naman ni PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz, sinabi nito na hindi niya maunawaan kung sino
magtatangka sa buhay ng pinatalsik na alkalde dahil wala naman itong ibinubunyag na pangalan ng mga kasabwat sa pagpapatakbo ng illegal POGO sa Bamban na nauna nang ni-raid ng mga awtoridad.

Ayon pa kay Cruz, kung talagang gustong sumuko ni Guo sa batas, dapat ay ginawa niya ito agad at hindi na nagtago lalo pa’t may mga nagaganap na hearing sa Senado na kailangan ang kanyang presensiya.

Magugunitang si Guo ay sinundo nina Interior Secretary Benhur Abalos at PNP Chief, Gen. Rommel Francisco Marbil sa Jakarta, Indonesia makaraang maaresto nitong Miyerkules.

Sa pagdating sa bansa kamakalawa ng madaling araw ay agad isinalang sa press conference, diretso sa mug shot taking at saka ikinulong sa PNP Custodial Facility.

Pasado alas-9 ng umaga nitong Sabado ay ibiniyahe si Guo sa Capas, Tarlac para harapin ang kaso at muling ibinalik sa Camp Crame.

EUNICE CELARIO