(Papalitan ng bagong sistema) SRP SA BASIC GOODS AALISIN NA

NAKATAKDANG magpalabas ang pamahalaan ng isang department order na naglalayong alisin ang suggested retail price (SRP) sa basic goods and prime commodities.

Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Assistant Secretary Agaton Uvero, inihahanda ng ahensiya ang department order na magpapalit sa SRP system ng price range system sa basic and prime goods.

Daan-daang basic goods ang may umiiral na SRP na itinakda ng mga manufacturer at regular na binabantayan ng pamahalaan.

Halimbawa nito ay ang ilang low end brands ng sardinas, instant noodles at maging ang Pinoy tasty at Pinoy pandesal.

Ina-adjust ng mga manufacturer ang kanilang high end brands upang mabawi ang halaga dahil hindi karaniwang pinapayagan ng DTI ang pagtaas ng ganoong kadalas.

Nang tanungin kung ano ang mangyayari kapag tumaas ang presyo sa sandaling alisin ang SRP, sinabi ni Uvero na maaaring ibalik ng pamahalaan ang SRP kapag inabuso ng mga manufacturer ang sistema.

Aniya, ang SRP ay maaari lamang ipatupad sa panahon ng kalamidad upang matiyak na hindi sasalamantahin ng mga retailer ang disruptions sa suplay.