(Papangalanan ni Duterte) CORRUPT AT UNFIT NA PRESIDENTIAL BETS

PAPANGALANAN ni Pangulong Rodrigo Duterte sa  tamang panahon ang mga presidential bet na  umano’y corrupt  at unfit na mamuno sa bansa.

Sa ikalawang bahagi ng kaniyang pre-recor­ded Talk to the People na ipinalabas nitong Martes, sinabi ng Pangulong Duterte na dapat malaman ng publiko kung sino ang mga kandidato na kaniyang tinutukoy.

“In due time, I will personally name the candidates, maybe. What is wrong with them. Kailangan malaman ng tao because you are electing a president,” anang pa­ngulo.

“Kung sino iyong pinaka-corrupt na kandidato. Hindi ako namumulitika, I am talking to you as your president. There are things you must know,” patuloy niya.

Sinabi ng Pangulo na personal na alam niya ang mga kandidato batay sa mga nakakalap niyang impormasyon bilang pa­ngulo.

“Kailangan may malaman kayo na alam ko na ‘di niyo alam. Alam ko. Why? Because I am the President, I get information from everybody, and also personal experience, observation,”  ayon pa rito.

Isa sa mga kandidato ay sinasabing  lasenggo na nang-iisulto at naghahamon ng away habang mayroon namang kandidato na sobra umanong corrupt.

“Akala ng mga tao, malinis, ‘yung mga nag-transact ng business sa kaniya, pati mga Chinese, masyadong corrupt raw,” pasaring pa ni Duterte.

Isa namang  kandidato ang walang karanasan na mamuno.

Sa kabila nito ay ang mga tao pa rin ang magpapasya kung maniniwala sa kaniya o hindi.

Sabi pa ng Pangulo, isa lang sa  presidential bets ang posibleng walang isyu, subalit maaga pa para pag-usapan ito. E QUIROZ