MAKATI CITY – ISANG actor na sumisikat pa lamang sa isang television network ang inaresto matapos umano nitong masagasaan ang dalawang tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) kamakalawa ng gabi.
Nasa custody ng Makati City Police at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in physical injuries at damage to property si Starstruck ultimate survivor Douglas Errol Dreyfus Adecer mas kilala sa kanyang screen name na Migo Adecer, 19-anyos.
Nagpapagamot naman sa Ospital ng Makati ang mga biktimang sina Rogelio Castillano at Michellene Papin na kapuwa nagtamo ng sugat sa ka-tawan.
Ayon sa hepe ng Makati City Police na si Sr. Supt. Rogelio Simon, ang insidente ay naganap dakong 6:00 kamakalawa ng gabi sa panulukan ng J.P. Rizal Avenue at Pertierra St., Brgy. Poblacion, Makati City.
Base sa report, nabatid na habang sakay ng sports car si Adecer ay hinarang ito ng mga traffic enforcer dahil sa traffic violation at napag-alaman na amoy alak pa ito.
Itinapon lamang umano ni Adecer ang violation ticket na inisyu rito dahil sa paglabag sa reckless driving at hindi nito ibinigay ang kanyang lisensi-ya hanggang sa nagpatuloy ito sa pagmamaneho.
Nang sumapit sa naturang lugar nahagip nito ang mga biktimang sina Papin at Castillano habang sakay naman sila ng motorsiklo.
Hindi pa rin umano huminto ang suspek at diretso nitong pinaharurot ang kanyang sasakyan.
Subalit nasakote rin ang suspek nang nagrespondeng mga traffic enforcer at nagtangka pa rin itong tumakas dahilan upang mahagip din nito ang isa pang police mobile.
Depensa ng abogado ng actor na si Atty. Marie Glen Gardoque, hindi aniya alam ng kanyang kliyente na nakahagip ito ng dalawang MMDA personnel. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.