PAPASOK NA ADMINISTRASYON SUPORTADO NG FIL-CHINESE BUSINESSMEN

TINIYAK ni Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc.(FFCCCII) President Dr. Henry Lim Bon Liong na handa silang suportahan ang administrasyon ni presumptive President Bongbong Marcos Jr. at presumptive Vice- President Sara Duterte sa kanilang pagkahalal sa posisyon.

Ayon kay Bon Liong, bagaman nanindigan silang non- partisan ang grupo nila na binubuo ng 170 Filipino Chinese chambers of commerce mula Aparri hanggang Tawi Tawi ay tiniyak nito na susuportahan nila ang uupong administrasyon.

Kasabay ng pagbati, hinimok ng Tsinoy business executives ang mamamayan at mga pinuno ng bansa na magkaisa para sa ikabubuti ng Pilipinas.

Pagdidiin ng FFCCCII, para sa mas matatag na ekonomiya at global competitiveness, kaila­ngang palakasin ang pambansang pagkakaisa.

Pinuri naman ng FFCCCII ang mga botanteng Pilipino sa pagganap sa kanilang karapatan at tungkulin sa nakaraang halalan.

Gayundin, ang mga guro at iba pang election personnel at mga opisyal ng gobyerno dahil sa matagumpay na pagsasagawa ng eleksiyon. BETH C