(Papasok ng Crame) EX-COP AASUNTUHIN SA DALANG 15 ARMAS

NAHAHARAP sa kasong paglabag sa Election gun ban ang dating pulis na hinarang sa gate ng Camp Crame, sa Quezon City dahil sa bitbit nitong 15 armas nitong Martes na ‘for safekeeping’ lang subalit hindi idinaan sa tamang paraan proseso.

Kasabay nito, inihahanda na ng Philippine National Police ang kaso sa hindi pinangalanang dating colonel na may bitbit na 11 handgun at apat na shotgun.

Pasado alas-2 ng hapon nang maharang ng mga tauhan ng Headquarters Support Service sa Gate1 ang kotse ng dating pulis.

Nang buksan ang compartment, tumambad ang hindi bababa sa 15 armas.

Sinabi naman ni PNP Chief, Gen. Benjamin Acorda Jr. na iniimbestigahan na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang insidente.

“This is now under investigation of our CIDG and nai-turnover sa kanila ang investigation but initially based on the findings of the Firearms, Explosive Ordnance itong mga baril na ito ay registered sa isang security agency,” ani Acorda.

Base sa inisyal na imbestigasyon, ipapasok sa kampo ang mga baril para sana sa safekeeping.

Subalit ang nagdulot ng kalituhan ay hindi umano sinunod ang patakaran sa pagbiyahe ng baril.

“Ang safekeeping dapat from security agency, escortan po yan ng SOSIA natin tapos idedeposito kung saan ‘yung office na kung saan nakalagay ‘yung vault ng security agency, doon po idedeposit ‘yung firearm nung security agency. However, ngayong gun ban tayo, so bago natin i-withdraw ‘yung baril kung saan man naka-post ‘yung mga guwardiya dapat meron tayong Comelec exemption para i-transport ‘yung mga firearms,” paliwanag ni PNP- FEO BGen Paul Kenneth Lucas.
EUNICE CELARIO