PAPAYA AT ANG BENEPISYO NITO SA KATAWAN

PAPAYA-2

(Ni CYRILL QUILO)

Papaya sa Pinas, pawpaw o papaw sa ibang bansa. May scientific name na Carica Papaya. Ito ay sikat na sikat o kilala bilang isa sa maya­man sa mga bitamina. May antioxidant na lumalaban sa iba’t ibang sakit.

Marami itong benepisyo at napakadali pang itanim. Ihagis mo lang ang buto sa lupa at siguradong tutubo ang mga nasabing buto at balang araw, mamumunga na. Maghintay lang ng siyam hanggang 11 na buwan at siguradong aani ka ng sangkatutak.

Tumatagal ang buhay  ng papaya ng hanggang 3-4 na taon. Tumataas naman ito hanggang 26 ft.

Kaya’t ang iba ay humuhukay ng medyo malalim upang hindi mahirap abutin kapag ito ay namunga na.

Itanim din ito ng may isa o dalawang dipa ang layo upang hindi mahirapang lumaki. Sulit na sulit kapag namunga na ito.

Kung hilaw pa ay maaaring gawing sangkap sa ating mga lutuin bilang gulay o ‘di kaya’y gawing salad o atsara. Kapag nahinog ay puwedeng-puwede nang lantakan dahil sa matamis na lasa nito.

Napakasuwerte talaga natin dito sa Pinas dahil hindi mahirap hana­pin ang naturang prutas. May iba’t ibang klase rin at lasa ang mga papa­yang ito. May solo papaya na medyo kulay dilaw at maliit. Tamang-tama sa nagsosolong tulad mo.

May Red Lady rin kung tawagin na mapupula ang laman at medyo pahaba ang hugis. Matatamis ito kaya paborito ng marami sa atin lalo ng mga bata. Bukod sa lasa, marami tayong makukuhang benepisyo na kinakailangan ng ating katawan gaya na lang ng mga sumusunod:

PINABABABA ANG CHOLESTEROL

Mayaman sa fiber, Vitamin C at antioxidants ang papaya na tumutulong upang maiwasan ang cholesterol build up sa arteries. Nagiging sanhi ng iba’t ibang sakit ang cholesterol build up gaya na lang ng hypertension at atake sa puso.

Kaya para maiwasan ang mga naturang sakit, isama na sa diyeta ang papaya.

MAINAM SA MATA

Ang anti-oxidant na makukuha sa papaya ang siyang nagsasala sa Blue Light Rays.

Nagpoprotekta rin ito at nangangalaga sa ­ating mga mata na siyang nagpapababa o pagpapabagal ng pagtanda ng ­ating paningin.

Mayaman ito sa Vitamin A na tumutulong upang maiwasan ang iba’t ibang sakit gaya ng age-related macular degeneration.

TUMUTULONG SA PAGTUNAW NG PAGKAIN

Madalas kapag ang tao ay hirap sa pagdumi, papaya lang ang solus­yon dahil sa taglay nitong fiber. Kaya’t kung may problema sa panunaw, kumain lang ng papaya araw-araw.

ANTI-CANCER

Mainam din ang papayang kainin upang maiwasan ang sakit na cancer dahil sa mayaman ito sa antioxidants, phytonutrients at flavonoids.

Sa mga pag-aaral din ay lumalabas na ang pagkonsumo ng papaya ay nakatutulong upang maiwasan ang colon o prostate cancer.

MALUSOG NA BUTO

Nakatutulong din ang papaya upang lumusog ang buto.

Nakatutulong ang taglay na nutrients ng papaya sa pag-absorb ng calcium.

NAKABABAWAS NG STRESS

Hindi nga naman maiiwasang makadarama tayo ng stress lalo na sa trabaho.

Isang mainam na paraan upang maiwasan ang stress ay ang pagkain ng papaya. Mayaman ito sa Vitamin C na nakatutulong upang maibsan ang nadaramang stress.

NATURAL SKIN CLEANSER

May mga beauty expert ding nagsa-suggest sa paggamit ng hiniwang papaya bilang natural skin cleanser dahil ang active enzymes ng nasabing prutas ay mainam na pantanggal ng impurities.

Upang mapanatiling healthy ang kabuuan, napakarami nating puwedeng gawin.

Isa nga riyan ay ang pagkain ng mga pagkaing mainam sa katawan at ang pagiging maingat. (photos mula sa healthfitnessrevolution.com, kitchenbyte.com, befitagain.com)

Comments are closed.