PAPEL NG KABABAIHAN, IBINIDA NI PANGANDAMAN

NANANATILI ang commitment ng bansa sa pagtataguyod ng women empowerment, partikular ang kanilang mahalagang papel sa pagsusulong ng kapayapaan, diin ni Budget Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman.

Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng International Conference on Women, Peace, and Security (ICWPS) sa Philippine International Convention Center (PICC) kamakailan, ibinahagi ni Pangandaman ang mga hakbangin ng bansa sa pagsusulong ng mahalagang papel ng mga kababaihan sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa bansa.

Ipinaliwanag ni Pa­ngandaman ang importansiya ng pagsasama-sama at pagtutulungan partikular sa naranasang kalamidad ng bansa dulot ng bagyong Kristine (international name Trami), kaya napa­panahon umano ang pagtalakay sa nagbabagong pa­nahon at seguridad sa mga kababaihan.

“Dialogue is always a good start,” ani Pangandaman patungkol sa nagdaang kalamidad na nagsilbing malaking hamon sa mga kababaihan sa mga apektadong lugar.

Ipinunto ng kalihim ang kaugnayan ng naturang ICWPS sa United Nations Security Council Resolution 1325 na naitaguyod noong Oktubre 2000, na nanawagan sa mga kababaihan na palawigin ang partisipasyon sa pagpapabawas ng mga hindi pagkakaintindihan at sa pagresolba ng mga ito.

Nabanggit din ng DBM chief ang pagtatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kasabay sa pagbuo ng Bangsamoro Women Commission, na nakatutok sa malaking papel ng kababaihan sa pagpapaunlad at pagpapanatili ng katahimikan sa naturang rehiyon.

Nagsisilbi si Pangandaman, natatanging Muslim sa gabinete, bilang co-chairperson ng Inter­governmental Relations Body (IGRB), isang intergovernmental body na nagkakaloob ng institutional mechanism para sa kooperasyon at koordinasyon ng BARMM at ng national government.

Ipinaliwag din ng kalihim ang commitment ng Pilipinas sa tinatawag na gender-responsive budgeting, na nagpapatupad ng “Women’s Budget” policy na nagtatakda ng hindi bababa sa limang porsiyentong pondo ng mga ahensiya ng pamahalaan para sa mga gender program.

Bukod rito, ipinabatid din ni Pangandaman ang commitment ni President Ferdinand R. Marcos, Jr. kaugnay sa “elevating women to more prominent roles, as well as greater voice” na makikita sa komposisyon ng mga gabinete tampok ang limang babaeng minister.

“Indeed, I am proud to report that we have ensured that the global imperative of advancing women, peace, and security initiatives did not fall on deaf ears,” dagdag nito.

“And that 24 years la­ter, the Philippines remains steadfast in its commitment to championing women’s empowerment and amplifying their roles in peacebuilding.”

Nanawagan si Pangandaman sa mga delegado ng ICWPS na magbahagi ng mga istratehiya, mga epektibong hakbangin at karanasan para tugunan ang mga nangyayaring banta sa seguridad kabilang ang mga problemang pangkalusugan at cyber­security, na nangangailangan ng makabagong solusyon para palakasin ang partisipas­yon ng mga kababaihan at magsilbing instrumento ng pagbabago sa lipunan.

Ang tatlong-araw na kumperensiya ay nagta­tampok ng dalawang pinag­pipitagang panel na tinitiyak ang makabuluhang implementasyon ng WPS agenda at apat na napapanahong diskusyon sa polisiya at praktikal na aspeto nito.

“When we women come together and put our minds to it, we can get through any storm and even dance in the rain,” patapos na mensahe ng kalihim.