NAIS ng Malacañang na kausapin ang local government units (LGUs) upang makibahagi sa mga karagdagang proyektong pang-imprastraktura sa pagpapalawig ng programang ‘Build Build Build’.
Alam naman natin na sa pagpasok ng administrasyon ni Pangulong Duterte, ito ang isa sa unang programa na kanilang isinulong upang umakyat ang ating ekonomiya. Bukod pa ito sa kanilang masigasig na kampanya laban sa ilegal na droga.
Hangad ng national government na makipagtulungan sa mga piling LGU upang isama sa plano at tukuyin ang mga suliranin sa kanilang lugar na maaaring pasukan ng national government para sa mga proyektong pang-imprastraktura. Bahagi ito ng pagpapalawak sa ‘Build Build Build’ program.
Ayon sa Department of Finance (DOF), maaaring maisama sa private public partnership (PPP) ang pag-develop ng mga lokal na imprastraktura. Ang DOF ay makikipag-ugnayan sa LGUs kaugnay sa nasabing mga proyekto upang mailapit sa mga pribadong korporasyon na nais gawin ito.
Isa pang mahalaga na maaaring kontribusyon ng mga LGU ay pabilisin ang pre-planning, pagsasaayos ng paggamit ng mga lupain para sa proper zoning at makatulong sa pagreresolba ng mga kaso ng right of way (ROW) na maaaring tamaan ng mga proyektong pang-imprastraktura.
Magandang pagkakataon ito sa mga bagong halal na opsiyal ng LGU lalong-lalo na rito sa Metro Manila. Karamihan sa mga nanalong mayor sa Metro Manila ay mga bata pa. Ang ibig kong sabihin dito ay wala pa sa edad 50. Sila ay sina Isko Moreno ng Manila, Joy Belmonte ng Quezon City, Francis Zamora ng San Juan, Vico Sotto ng Pasig, Lino Cayetano ng Taguig, Abby Binay ng Makati, Rex Gatchalian ng Valenzuela at Antolin Oreta ng Malabon.
Hindi ko minemenos ang ibang mga mayor sa Metro Manila na lagpas 50 ang edad. Ang sinasabi ko lamang ay maaaring maraming mga makabagong ideya at sigasig ang mga ito upang patunayan nila na hindi nagkamali ang mga bumoto sa kanila. Ganoon din ang panawagan ko sa lahat na mga nanalo nitong nakaraang eleksiyon.
Kitang-kita natin ang sigasig at sariwang mga ideya ni ‘Yorme’ ng Maynila. Sabi ko nga sa nakaraang kolum ko, wala pang isang buwan ng panun-ungkulan ay marami na siyang nagawang pagsasaayos sa kanyang lungsod.
Sana naman ay ang mga ginawa ni Yorme ay tanggapin ng mga ibang mayor bilang hamon sa kanila at pamarisan ang ginagawa ni Yorme sa Ma-nila. Huwag nilang isipin na ginagaya nila si Isko. Tandaan na lang sana nila na inihalal sila ng mga constituent nila, umaasa na pagandahin at ayusin ang kanilang siyudad.
Huwag sanang palagpasin ng mga opisyal ng mga LGU ang plano ng DOF na makipag-uganayan sa kanila para sa pagpapalawig ng progama nilang ‘Build Build Build’. Ang taumbayan ang makikinabang dito.
Comments are closed.