IPINAGBABAWALna rin ang paggamit ng anumang uri ng paputok at pyrotechnic devices sa Caloocan at Malabon cities.
Sa Memorandum Order na inilabas ng Caloocan Office of the City Mayor, inaatasan ang mga barangay na mahigpit na ipatupad ang bagong kautusang ito mula sa Metro Manila Council. Kinakailangan ang regular na ronda ng mga tanod upang maging katuwang ng pulisya sa pagpapatrolya.
Ayon sa Memorandum Order, ang community firework display zone ay kailangang tumalima sa umiiral na Republic Act 7183 at City Ordinance No. 0648 s. 2016 o ang batas hinggil sa paggawa, pagbebenta, distribusyon at paggamit ng mga ipinagbabawal na mga paputok at pailaw.
Sa ordinansang ito nakasaad ang mga patuntunan sa paggawa at pagbebenta, gayundin ang mga ipinagbabawal ng iba’t-ibang uri ng mga paputok at pailaw.
Bukod pa rito, ang mga Community Fireworks Display Zone sa mga barangay ay kinakailangan ng kaukulang permiso mula sa City Fire Marshall at Philippine National Police. Kinakailangan din na may 100 metrong layo mula sa mga tao at may nakahandang first aid kit at fire protection equipment.
Ayon sa ordinansa, ang sinumang lalabag ay pagmumultahin ng P5,000 o maaaring maharap sa hanggang anim na buwang pagkakakulong.
Alinsunod din sa Malabon City Ordinance No. 31-2020, mahigpit na ipinagbabawal ang paggawa, pagbenta, pamamahagi, paggamit, o paglalaro ng anumang uri ng paputok at pyrotechnic devices sa lungsod, kasama na ang mga pailaw.
Ang sinumang mahuling lalabag ay magmumulta ng P1,000 at kukumpiskahin ang mga paputok o pyrotechnic devices.
Sa kabilang banda, ang mga kumpanyang lalabag sa ordinansa ay tatanggalan ng business permit, at papanagutin ang general manager, presidente, o ang person in-charge ng kumpanya. EVELYN GARCIA
Comments are closed.