INIHAYAG ng lokal na pamahalaan ng Las Pinas na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng anumang uri ng paputok para sa selebrasyon at pagsalubong ng Bagong Taon.
Ipatutupad ng lokal na pamahalaan ang implementasyon ng isang ordinansa na nagbabawal sa paggawa, display, pagbebenta, distribusyon, posesyon o paggamit ng anumang uri ng paputok, pyrotechnic devices at iba pang kahalintuald nito simula pa noong 2017.
Sa ilalim ng naturang ordinansa, paiigtingin ng City Health Office ang kampanya ng pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa idudulot na panganib ng iba’t-ibang uri ng paputok at pyrotechnics devices sa buhay ng tao at kapaligiran.
Inatasan din ang mga opisyales ng barangay na magsagawa ng regular na pagpapatrolya upang ma-monitor na sumusunod ang mga residente sa nabanggit na ordinansa at i-report ang anumang uri ng paglabag sa Business Permit and Licensing Office (BPLO).
Kasabay nito ay inatasan din ang BPLO na magtalaga ng mga tauhan sa lugar ng mga may lumalabag na residente para kumpiskahin ang lahat ng paputok at pyrotechnics na naka-display, ibinebenta at ipinamamahagi sa buong lungsod.
Ang pagsasagawa ng community fireworks display ay maaari namang payagan ng lokal na pamahalaan kung ang mga organizer nito ay kukuha ng permiso ng permit to possess and display fireworks mula sa lokal na kapulisan at Bureau of Fire and Protection (BFP).
Ang mga papayagang magsagawa ng fireworks display ay kinakailangan na nasa isang bakanteng lugar at may distansiyang 100 metro ang layo sa mga taong manonood nito at ang lahat ng fireworks ay puro pataas lamang ang putok ng mga ito.
Dagdag pa nito,ang mga magpapaputok ng fireworks ay kailangan din na nasa 21-taong gulang na mayroong sapat na kaalaman na mag-supervise sa fireworks display, may naka-standby na first aid kit at fire protection equipment sa lugar ng pagdadausan gayundin ang pagpapaaalam sa pinakamalapit na fire station sa isasagawang fireworks display. MARIVIC FERNANDEZ