(Para alalayan ang pagpapauwi sa OFWs) NAVY CONTINGENT TUMULAK NA SA ME

Navy

PASAY CITY – PATUNGO na sa Middle East ang Philippine Navy Contingent na para umalalay sa repatriation ng mga overseas Filipino worker (OFW) na uuwi sa bansa sa gitna ng tensiyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

Ang send off ceremony ay pinagunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, kasama sina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Philippine Navy Chief Vice Admiral Robert Empedrad, alas-4:00 ng hapon sa Pier 13 ng Manila South Harbor.

Una nang sinabi ni Lorenzana na ipadadala ng Navy ang kanilang mga barko na isang Del Pilar Class Frigate at isang Tarlac class landing dock ship na may sakay na isang company ng AFP humanitarian assistance personnel.

Matatandaang ang orihinal na plano ng AFP at magpadala ng dalawang batalyon ng sundalo para sa evacuation at proteksiyon ng mga OFW na maaring maipit sa kaguluhan kung magkaroon ng digmaan sa gitnang silangan.

Ngunit, ayon kay Lorenzana dahil sa posibleng hindi magandang implikasyon ng pagpapadala ng mga armado at unipormadong sundalo sa tensiyonadong lugar, minabuti ng gobyerno na mas maliit na bilang ng tauhan ang ipadala para sa  humanitarian mission.

Bukod sa Philippine Navy, handa rin ang Philippine Air Force na magpadala ng dalawang C-130s at isang C-295 transport aircraft sa gitnang silangan para magsakay ng mga OFW pauwi ng Filipinas kung kakailanganin. REA SARMIENTO

Comments are closed.