PARA ATHLETES DADAAN SA BUTAS NG KARAYOM

Paralympics

MATAPOS ang ASEAN Para Games na gagawin sa Filipinas sa Marso ay sasabak naman sina Brazil Paralympics bronze medalist Josephine Medina, Sydney Paralympics bronze medalist Adeline Dumapong at Ernie Gawilan sa World Paralympics qualifying sa Agosto sa Turkmenistan.

Sinabi ni Philippine Sports Association for the Differently Able Executive Director Dennis Esta na makikipagtunggali sina Medina, Dumapong at Gawilan sa mga kalaban galing sa mahigit 20 bansa na pawang naghahangad na makapaglaro sa 2020 Paralympics sa Tokyo matapos ang Olympic Games.

Inamin ni Esta na mabigat ang kampanya nina Medina, Dumapong at Gawilan dahil world-class ang kumpetisyon at tiyak na dadaan sila sa butas ng karayom bago makapaglaro sa Toko Paralympics.

“Mahirap at masikip ang kanilang pagdadaan dahil malalakas ang mga kalaban, lahat ay naghahangad na makalaro sa Paralympics. Sana malusutan nila ang matinding pagsubok,” sabi ni Esta.

Si Dumapong ay dalawang beses naglaro sa Paralympics at nanalo ng tanso sa 2000 edition sa Sydney at tanso ulit sa 2018 Asian Para Games sa Indonesia at consistent gold medalist sa ASEAN Para Games.

Nanalo naman si Medina ng tanso noong 2016 sa Brazil, habang si Gawilan ay beterano ng World Para Swimming sa London.

“Sana maka qualify sila. Puspusan ang ensayo nina Medina, Dumapong at Gawilan bilang paghahanda sa torneo,” sabi ni Esta. CLYDE MARIANO