(Para bumaba ang presyo) GASOLINA, DIESEL HALUAN NG MARAMING BIOFUEL

HINIMOK ni Senadora Imee Marcos ang Department of Energy (DOE) na payagang haluan ng mas maraming bioethanol ang gasolina at diesel para bumaba ang presyo ng mga ito.

“Habang natengga ang mga mambabatas sa debate sa pagsuspinde sa fuel excise tax, siguradong makatutulong sa mga konsyumer ang paghahalo ng mas maraming bioethanol sa gasolina at diesel,” ani Marcos.

Nagbabala si Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na may mga kasunod pa ang P2.70 at P6.55 na dagdag- presyo sa gasolina at diesel, lalo na’t magdudulot ng pabago-bagong presyo hanggang sa susunod na taon ang mga sanction ng Western countries sa ini-export na langis ng Russia at ang limitadong pagtaas ng supply ng langis sa Middle East.

Sa ilalim ng Biofuels Act of 2006, inoobliga ang mga kompanya ng langis na maglabas ng supply ng gasolina na may halong 10% ng bioethanol, pero sinabi ni Marcos na puwedeng magrekomenda ang National Biofuels Board na taasan pa ang ‘minimum na requirement’ alinsunod sa pagpayag ng kalihim ng DOE.

Base sa halaga ng fuel bago ang pinakahuling pagtaas ng presyo ng langis, tinaya ni Marcos na ang presyo ng gasolina ay puwedeng mapababa sa P3.60 kada litro kung mas dadamihan ang ihahalong biofuel mula 15% hanggang 20% – na lebel na ligtas para sa mga sasakyang ang model ay mula 2001.

Nananawagan din si Marcos sa Department of Agriculture na isulong sa pagsasaka ang produksiyon ng bioethanol na hindi lang kasagutan sa limitadong lokal na supply nito at mataas na halaga ng fuel, kundi maging sa pagpapalawak din ng trabahong mapapasukan sa mga lalawigan, gayundin ang paggamit ng green energy.

Kalahati lang ng pangangailangan noong 2019 bago ang COVID-19 pandemic ang natugunan ng lokal na produksiyon ng bioethanol at bumagal ang pamumuhunan sa mga pasilidad para sa produksiyon ng bioethanol.

Gayong ang tubo, sorghum, mais, at cassava o kamoteng kahoy ay puwede naman aniyang maitanim sa bansa para sa mas maraming produksiyon ng bioethanol, dahil ang kakapusan sa lokal na supply ay pinupunan ng mga angkat na produkto mula sa U.S., Australia, at South Korea.

“Napakaraming mga nakatenggang lupain ng gobyerno na magagamit para maparami ang produksiyon ng bioethanol. Ang target natin ay makipagkumpitensiya sa mas mababang halaga ng ating inaangkat at maasahan ang ating sariling supply,” diin ni Marcos.

– VICKY CERVALES