MAHIGIT sa 150 para-athletes sa buong bansa ang sasabak sa 2021 Philippine Sport Commission – Pilipinas Para Games (PPG) Online Chess Competition na magsisimula sa Nobyembre 19.
“We are launching this project in our effort to continue efforts to address our need for a truly comprehensive grassroots sports development program for our para-athletes, and continuously harness their full potential,” wika ni PSC Oversight Commissioner for para-athletes Arnold Agustin.
Orihinal na idinaos sa tatlong regional legs, ang online chess competition ay isasagawa ngayon sa isang nation-wide event, sa anim na kategorya na kinabibilangan ng Visually Impaired B1 Completely Blind Men, Visually Impaired B1 Completely Blind Women, Visually Impaired B2 Partially Blind Men, Visually Impaired B2 Partially Blind Women, at Physically Impaired Men and Physically Impaired Women.
Ang PPG ay idaraos din sa pakikipagpartner sa Philippine Paralympic Committee at sa Integrated Philippine Association of Optometrists sa klasipikasyon ng registered para-athletes.
Aarangkada ang kompetisyon sa Nob. 19 via Zoom, 8 a.m. hanggang 5 p.m., at magtatapos sa Nob. 21.
Ang mga magwawagi ay tatanggap ng medalya, certificates of excellence at cash incentives.
Para maihanda ang national para coaches at technical officials sa kompetisyon, isang Para-Chess Online Technical Workshop ang isinagawa noong Nob. 7. Anim sa chess legends ng bansa — GM Eugene Torre, GM Thomas Luther, GM Jayson Gonzales, IA/IO Casto Abundo, at IA/NM James Infiesto — ang nagsilbing resource speakers.
“In a pandemic, we are focusing on chess as it appears to be one of the best solutions for our para-athletes to get themselves going again in sports,” sabi ni Agustin.
Maaaring ipadala ng mga nagparehistrong para-athletes ang kanilang requirements sa [email protected] at sa official Facebook page nito.
Ang official list ng mga kalahok ay iaanunsiyo sa Nob. 12. CLYDE MARIANO