(Para ganap na maipagdiwang ang Pasko ng mga sundalo at sibilyan) 2-ARAW NA UNILATERAL CEASEFIRE IPATUPAD

CEASEFIRE

NANAWAGAN si Senadora Imee Marcos sa Armed Forces of the Philippines (AFP)  na ipatupad ang isang unilateral ceasefire para ganap na maipagdiwang ng mga sundalo na nakabase sa mga kanayunan, kabilang na ang mga sibilyan, ang darating na Kapaskuhan.

Iminungkahi ni Marcos na maaaring gawin ang unilateral ceasefire ng AFP ng dalawang araw simula sa Disyembre 24 hanggang 25 para mabigyan ng daan ang mapayapang pagdiriwang ng Pasko.

“Malaking bagay ang dalawang araw na ceasefire sa mga sundalo natin.  Ang makapiling nila ang kanilang mga pamilya kahit sa loob na barracks ay sapat na para maipagdiwang nang mapayapa ang Pasko,” pahayag ni Marcos.

Sinabi pa ni Marcos na kung hindi magsasagawa ng sariling ceasefire ang New People’s Army (NPA) ngayong Kapaskuhan, at mag­lunsad pa rin ng mga pananambang, tiyak na magdudulot ito ng nega­tibong epekto sa kanilang hanay at magagalit sa kanila ang taumbayan.

“Walang simpatyang makukuha ang NPA kung hindi sila magsasagawa ng sariling ceasefire.  Magagalit sa kanila ang taumbayan na naniniwala sa kapanganakan ni Hesu Kristo at ang pagdiriwang ng Pasko,” sabi pa ni Marcos.

Kinatigan din ni Marcos ang pahayag ng Palasyo na malamang na hindi na matuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng CPP at ng pamahalaan kung patuloy na magsasagawa ng mga pananambang ang NPA na kalimitan ay ang mga sibilyan ang naaapektuhan at nada­damay.

Kaugnay nito, kinondena rin ni Marcos si Jose Maria Sison, pinuno ng mga Komunista, sa ginawa nitong pagpuri sa grupo ng  NPA matapos ang pananambang sa Eastern Samar na ikinasawi ng dalawa katao at ikinasugat ng 15 iba pa na karamihan ay pawang mga kabataan. VICKY CERVALES

Comments are closed.