NAGTAKDA nitong Lunes ang National Food Authority (NFA) Council na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ng bagong price range o presyo para sa pagbili ng palay bilang tugon sa pagbabago ng mga kondisyon ng produksyon at pamilihan na layong mapabuti ang kita ng mga magsasaka at tiyakin ang sapat na suplay nito.
“Nagtawag ako ng meeting ng NFA Council para tingnan kung paanong puwedeng gawin para sa presyo ng pambili ng NFA sa palay, ‘yung wet at saka ‘yung dry, ay kailangan nating tingnan dahil nagbago na ang sitwasyon,” anunsyo ni Prangulong Marcos sa idinaos na pulong ng NFA Council.
“At ganoon nga ang pinag-meeting-an namin at nag-decide kami ngayon ang buying price ng NFA mula ngayon sa dry ay P19 to P23, ang wet ay magiging P16 to P19. Iyon ang naging desisyon ng NFA Council, ” dagdag ng Pangulo.
Ang NFA Council ay nagbuo ng bagong hanay ng presyo ng pagbili ng palay upang bigyan ang mga Pilipinong magsasaka ng mas magandang kita, na ayon sa Pangulo, ay makatwirang gastos sa produksyon ng palay ngayon.
“So, mayroon na silang pagkakakitaan. At bukod pa roon, nandiyan na ‘yung price cap para maikalma natin itong nangyayari sa presyo ng bigas,” pahayag ng Pangulo.
Ang orihinal na iminungkahing P20 at P25 na presyo ng pagbili ay masyadong mataas at tataas ang presyo ng tingi, ayon sa NFA, base sa bagong napagdesisyunan na hanay ng presyo, binabalanse nito ang tubo ng mga magsasaka at hindi gaanong maaapektuhan ang mga presyo ng tingi.
Sinabi ng ahensya na kung ang bagong presyo ng pagbili ng tuyong palay ay nasa P23, ang procurement fund na kailangan ay P15 bilyon sa maximum, habang kung ito ay nakabase sa P25, P16 bilyon ang kakailanganin para sa palay procurement.
At para matiyak na hindi papasok sa merkado ang inangkat na bigas dahil dapat lamang itong magsilbing buffer, sinabi ng NFA na batay sa naunang pagtalakay nito, ang buffer ay para lamang sa mahihirap.
Nangako itong magsu-suplay ng mahihirap na sambahayan at aalisin iyon sa demand side ng merkado para mas mababa ang pressure sa presyo sa pamilihan, idiniin ang buffer ay hindi direktang napupunta sa merkado kundi sa mahihirap.
Kasabay nito, sinabi ng NFA na tinitingnan din nito ang pagbibigay ng physical rice stock sa halip na cash assistance.
Sa bahagi nito, sinabi ng Department of Agriculture (DA) na susuportahan nito ang panukala ng NFA ngunit nasa antas na P23 ang isang kilo. Dagdag pa ng ahensya, sa P22 o P23, kuntento na rito ang mga magsasaka dahil binabayaran na sila ngayon ng P16 hanggang P19. Sinabi ng DA na ang P25 ay masyadong mataas.
Nang tanungin ng Pangulo ang impluwensya ng presyo ng pagbili ng NFA gayundin ang reaksyon ng publiko, sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) chief Secretary Arsenio Balisacan na sa farm gate level, ang NFA procurement ay itutuon sa mga lugar kung saan mayroong labis na suplay kaugnay sa lokal na pangangailangan.
“Kung ganoon ay makatutulong ito sa pagtaas ng presyo ng farm gate,” sabi ni Balisacan.