(Para hindi kumalat ang COVID-19) HOMELESS SAGIPIN

Senador Win Gatchalian-3

NGAYONG nasa ilalim ng isang “enhanced community quarantine” ang buong Luzon dahil sa coronavirus disease o COVID-19, kailangang magkaroon ng malinaw na patakaran ang Local Government Units o LGUs sa pagtugon sa pangangailangan ng mga walang tahanan.

Ito ang isinusulong ni Senador Win Gatchalian na tinukoy ang maaaring maging epekto ng COVID-19 pandemic sa mga walang tahanan.

Ayon kay Gatchalian, ang mga walang tahanan ay walang nagagamit na mga pasilidad para sa tamang hygiene, kaya naman mas nangan-ganib silang magpositibo sa COVID-19 lalo na’t marami sa kanila ang may problema sa kalusugan.  imposible aniya para sa mga walang tirahan na sundin ang utos ng pamahalaan na magsagawa ng self-isolation at social distancing lalo na’t normal sa kanila ang manatiling pisikal na malapit sa isa’t isa.

Ayon kay Gatchalian, mahalaga ang papel ng mga LGU sa paghanap sa mga walang tahanan, pagbigay sa kanila ng maayos na masisilungan, at pagsuri sa kanilang kalusugan. Dapat din  maglaan para sa kanila ng sapat na pagkain at hygiene kits.

“Paano nila magagawang mag-self-quarantine kung wala naman silang tahanan at madalas dikit dikit sila?” tanong ni Gatchalian.

“Marami sa ating mga kababayan ang mas nanganganib na magkasakit dahil wala silang mauwian. Kung nais nating pigilan ang pagkalat ng COVID-19, kailangan nating siguruhing ligtas at may masisilungan ang mga pamilyang walang tahanan,” pahayag ng senador.

Mahalaga rin na magkaroon ang bawat LGU ng nursing home para sa mga senior citizen na inabandona at walang tahanan. Ito ang layunin ng kanyang panukalang Senate Bill No. 737 o “Homes for the Abandoned Seniors Act of 2019,” na humugot ng inspirasyon mula sa Bahay Kalinga, ang sariling nursing home ng Lungsod ng Valenzuela.

Ayon sa Habitat for Humanity, may humigit-kumulang apat  na milyong pamilya sa Filipinas ang walang malinis at maayos na tirahan. Dag-dag ng grupo, maaaring magkaroon ng kakulangan ang Filipinas ng 6.5 milyong  housing units sa taong 2030. Ayon naman sa non-profit organization na Hope, may 250,000 street children sa bansa noong 2015, 30,0000 rito ang nasa National Capital Region (NCR).

Importante rin na maging handa ang mga center at mga pasilidad sa pagresponde sa mga maaaring kaso ng COVID-19. Pahayag ng senador, dapat makipag-ugnayan nang maigi ang mga pasilidad na ito sa local health officials. VICKY CERVALES

Comments are closed.