(Para hindi kumalat ang COVID-19) PUIs/PUMs TUTUKAN

PUI

UMAPELA ang isang kilalang doktor sa pamahalaan na higit na dapat pagtuunan ng pansin ang mga reported na kaso ng  persons under investigation (PUI) at persons under monitoring (PUM).

Sa isang exclusive phone interview ng Pilipino MIRROR, sinabi ni Dr. John Cenica ng Gentri Medical Center na ang PUIs at PUMs ang mas kinakailangan na tutukan ng gobyerno dahilan sa ito ay may malaking posibilidad na carrier ng COVID-19 kung kaya’t kinakailangang i-isolate agad sa isang lugar.

Inirekomenda ni Dr. Cenica na makabubuting ilagay na lamang ng Department of Health (DOH) ang mga matutukoy na PUIs at PUMs sa mga hotel na ka-partner ng pamahalaan at ilang local government units (LGUs) upang mas madaling mahikayat ang mga ito na magpadala ng ospital upang ma-monitor ng doktor o nurse ang kanilang kalagayan sa halip na sa isang ospital upang hindi magkaroon ng takot o trauma ang mga dadalhin.

“Isang PUI o PUM kada kwarto dapat at may nagmo-monitor na kahit isang doktor at nurse sa hotel, puwede na ‘yon para hindi na kumalat ang mga taong pinaghihinalaang may virus, dahil mas nakakabahala sila,” saad ni Dr. Cenica.

Sinabi pa ng dalubhasang doktor na dapat magtalaga na lamang ng iisang ospital kada region ang pamahalaan na para lamang sa mga pasy-enteng nagtataglay ng COVID-19 upang hindi lalong kumalat ang nasabing virus at makahawa sa ibang pasyente.

“Hindi naman namo-monitor nang husto ang lahat ng sumasailalim sa quarantine  kaya patuloy na tumataas ang kaso ng COVID at kumakalat pa ang virus,” dagdag pa ni Dr. Cenica.

Ginawa ni Dr. Cenica ang ibang estratehiya bunsod ng pangambang mas lalo pang lumobo ang naturang sakit na ngayon ay patuloy pang tumataas.

Iginiit pa nito na dapat nasa isang ospital lamang ang mga pasyenteng may COVID-19 kung saan ang lugar ng ospital ay may kalayuan sa isang komunidad at hindi sa gitna ng isang siyudad.

Iniulat kahapon, araw ng Lunes ang pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa isang araw na pumalo sa 82. BENEDICT ABAYGAR, JR.

WALANG VIP TESTING-DOH

Nilinaw kahapon ni Department of Health (DOH) Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na walang katotohanan ang mga alegasyong nagka-karoon ng ‘VIP testing’ ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mga government officials sa bansa, na nagreresulta umano upang mapabayaan ang patients under investigation (PUIs).

Inamin ni Vergeire na may mga matataas na opisyal ng pamahalaan na kinakailangan nilang suriin ngunit ito’y para sa national security reasons habang ang iba naman ay kuwalipikadong maisailalim sa COVID-19 testing.

Siniguro rin niya na lahat ng PUIs sa bansa ay naaasikasong mabuti.

“Gusto ko lang linawin, hindi napapabayaan ‘yung ating PUIs. Lahat naman inaasikaso,” paglilinaw pa ni Vergeire, sa panayam sa radyo. “’Yun pong mga sinasabi nilang na-test na mga high level officials, most of them pumasok sa criteria namin. May exposure sila, nakapag-travel sila so they were tested.”

“Kailangan din intindihin ng ating mga kababayan na meron tayong ginagawa for national security reasons,” ani Vergeire.

“Meron naman po talagang mga tao na iti-test namin talaga because of national security reasons, high officials in the government na specific lang.  I am not saying everybody,” paliwanag pa niya.

Inamin rin ni Vergeire na hanggang ngayon ay marami pang politiko at mga opisyal ng pamahalaan ang humihiling na masuri laban sa COVID-19 ngunit dahil sa rami ng mga pasyenteng kailangang suriin ay kinakailangang pumila at maghintay ng mga ito. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.