(Para iwas-COVID-19) PDA BAWAL MUNA – PNP

NANAWAGAN si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Debold Sinas sa mga magsing-irog, mag-asawa, magkapatid at magkaibigan na itigil muna ang PDA (public display of affection) o ang paghahawak-kamay at akbayan sa publiko.

Alinsunod ito sa kautusan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na layong maiwasan ang pagkakahawa-hawa ng COVID-19 at istriktong pagsunod sa social distancing.

Sinabi ni Sinas na matagal na talagang pinagbabawal ang hawak-hawak kamay o PDA subalit hindi mapigilan ng mga tao lalo na kung magkasama sa bahay kaya muli itong nagpaalala na sisitahin ang lalabag.

Dahil na rin sa biglang pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay papaigtingin muli ng pamahalaan ang pagbabantay sa publiko.

Sa katunayan may mga lugar sa Metro Manila na isinailalalim sa special concern at granular lockdowns.

Sa datos, naitala ang apat na araw na sunod na nasa 3,000 level ang mga panibagong kaso ng COVID-19 sa kabila ng pag-uumpisa ng massive immunization program ng pamahalaan noong Marso 1.

Sa PNP, as of March 9, 6PM ay naitala ang bagong 88 kaso ng coronavirus, 11,165 pa na police personnel ang ginagamot haban 32 na ang nasawi. EUNICE CELARIO

Comments are closed.